Taumbayan ang dapat mangibabaw

PINAL na ang desisyon ng Comelec na huwag nang pala­wigin ang pagpaparehistro ng mga botante para sa October 2013 barangay elections.

Maraming nagpaparehistro ang nagalit. Napakahabang oras daw silang naghintay subalit nawalan ng pagkakataon na makaboto.

Sabi ni Comelec chairman Sixto Brillantes, hindi na ini-extend ang registration dahil magagahol sila sa panahon.

Suspetsa raw ni Brillantes, naghakot ng magpaparehistro ang mga kandidato sa barangay elections.

Pero masyadong mapanghusga ang pahayag na ito ng Comelec chairman. Dapat imbestigahan muna ng Comelec at kumpirmahin ang paghahakot ng mga magpaparehistro. Kung mapapatunayan, ang papanagutin ay ang naghakot na kandidato.

Sana ay ikonsidera ng Comelec ang mamamayan na pumila at nagtiis para lang magparehistro. Saka na nila imbestigahan kung may naghakot o wala. Ang mahalaga, naibigay ang karapatan na makapagparehistro at makaboto.

Ang dapat mangibabaw ay ang kagustuhan ng taumbayan at hindi ang Comelec. Maaari namang gawan ng paraan ng Comelec kung paano hindi maapektuhan ang preparasyon sa eleksiyon.

Hindi napaghandaan ng Comelec ang registration. Hindi akalain na maraming magpaparehistro. Nagtakda lamang ng 10 araw na registration mula 8 a.m. hanggang 5 p.m. na hindi naman sapat sa dami ng mga magpaparehistro.

Umaksiyon sana ang Comelec at nagdagdag ng computers para ma-accommodate ang mga magpaparehistro. Tandaan ng Comelec na sila ay naglilingkod sa taumbayan. Dapat lang mangibabaw ang kagustuhan ng mamamayan.

Kung hindi na palalawigin ang registration, makabubuting rebyuhin ng Comelec ang kanilang sistema ukol dito para hindi na maulit ang magulong registration. Ang Comelec ang mananagot sa kahihinatnan ng eleksiyon sa bansa.

Show comments