EDITORYAL - Kailan matututo?

KAHIT saan at kahit kailan, maaaring mangyari ang pambobomba? Kahit sa ibang bansa may mga nagaganap na pambobomba. Isinasagawa ang pambobomba sa mga matataong lugar. Maski sa US, target ang mataong marathon gaya nang nangyari sa Boston kung saan marami ang namatay. Madaling nahuli ang bomber sa Boston marathon. Isa ang napatay.

Dito sa Pilipinas, marami nang nangyaring pambobomba at marami na ring namatay. Ang kaibhan lang, matagal o hindi na nasosolb ang pambobomba hindi katulad sa US na pagkalipas ng 24 oras ay solb na ang pambobomba. Iyon ay dahil maayos ang kanilang pag-iimbestiga. Hindi pinakikialaman o nililinis ang ebidensiya hanggang sa makabuo ng lead at madaling natutunton ang mga suspect.

Gaya nang nangyaring pambobomba sa isang bar sa Cagayan de Oro City noong Biyernes ng gabi kung saan walo ang namatay at 44 ang sugatan. Kabilang sa mga namatay ang isang provincial board member  ng Misamis Oriental at isang doctor. Kasalukuyang may convention ang mga physician sa nasabing lugar nang maganap ang pagsabog.

Ayon sa report, isang lalaki umano ang may ipinatong sa isa sa mga mesa at makalipas lamang ang ilang minuto ay nagkaroon ng pagsabog. Isang improvised bomb ang sumabog. Pero hanggang ngayon, walang makitang matibay na lead ang mga awtoridad sapagkat nilinis kaagad ang pinangyarihan ng krimen. Umano’y pinalinis ng may-ari ng bar ang lugar. Galit na galit si DILG secretary Mar Roxas nang makitang malinis na ang blast site. Wala na raw makita kahit anong ebidensiya. Hirap na hirap ang pulisya kung paano lulutasin ang pambobomba.

Ang pambobomba ay maghahatid na naman ng takot­ sa marami lalo sa mga turista. Dagsa pa naman­ ang turista sa Cagayan de Oro dahil tahimik itong lugar. Ngayon,  nagkaroon ng batik dahil sa pambobomba. Paano pa mahuhuli ang mga suspek ngayong nilinis ang ebidensiya. Kailan matututo ang mga awtoridad? Kailan din naman matututo ang mga may-ari ng establishment na maglagay ng CCTV para ma-identify ang mga gagawa ng masama?

Show comments