SONA 2013

ISANG oras at 45-minuto ang State of the Nation Address ni P-Noy. Marami ang nagsabing ito ang pinakamahaba ngunit pinaka-hindi pinalakpakang SONA. Hindi naman ako sumasang-ayon. Mas nanaisin ko ang mahabang talumpati at iiwanan ang mga sambayanang maligaya at may kaalaman kaysa maikli ngunit maraming katanungan pagkatapos. Narito ang ilan sa mga paksang pinaka-nagustuhan ko.

Unti-unting pagiging malaya mula sa imported na bigas. Sa apat na taon ng administration ay nabawasan na ang mga inaangkat nating bigas mula sa foreign market at nagkakaroon na tayo ng kapasidad na magtanim ng sarili nating kakainin.

Nanawagan din siya sa mga mangingisda na pangalagaan ang kanilang mga isda at hayaan muna silang lumaki at dumami bago nila hanguin. Tama nga, kailangan nilang mahalin ang kanilang kabuhayan upang maging mas masagana ang huli.

Magandang idea ang Blumentritt Interceptor Catchment Area bilang solusyon sa lumalalang pagbaha. Sana ay makumpleto ito by 2014 nang sa gayon ay hindi tayo nangangamba kung saan pupwesto kapag nagsimula nang bumuhos ang malakas na ulan. May sasalo na. Sana ay gawin din natin ang ating parte na maging masinop sa pagtatabi, pagse-segregate at pagtatapon ng ating mga basura.

Tama lamang na ang mga pulis ay nasa field at hindi sa mga opisina. Nararapat na ma-deploy sila at mag-employ naman ng civilian personnel na siyang gagawa ng paper work. Sayang nga naman ang pinaghirapan nilang training kung sila ay nasa opisina lang.

Nakakaloka ang P2.4 bilyon nawawala bawat araw dahil sa traffic. Kung iisipin mo nga naman, hindi lang oras ang nasasayang, kundi pati negosyo. Maraming mga transaksiyon at deliveries ang nale-late at minsan ay maaaring mawala sa ating mga kamay dahil sa mabagal na pag-usad ng trapiko. Sana ay masolusyunan na talaga ito.

Noong unang SONA ni P-Noy, maraming bumabatikos sa kanyang kakayanan. Pero sa pagdaan ng apat na taon, kahit papaano naman ay may mga nagawa ang kanyang administrasyon at napatunayan sa sambayanan. Kailangan lang ay bigyan ng oras upang mabuo at maganap ang mga bagay at mag-materialize ang mga plano. May tatlong taon pa para lalong mapaganda pa ng administrasyon ang ating bansa. Let’s be positive.

Show comments