Iba’t ibang bayan

Iba’t ibang bayan sa isla ng Luzon

Ang naging tahanan simula pa noon;

Una’y Candelaria sa probins’yang Quezon

At naging masaya kabataan doon!

 

Sumunod na bayang aking nalipatan

Project 6 sa QC noong nag-aaral;

Doo’y kasama ko si kuyang panganay

Ang pag-aaral ko’y kanyang tinustusan!

 

Mula Quezon City ako ay nalipat

Sa Pateros, Rizal na bayan ng liyag;

sa bahay ng in-laws ako’y nagkaanak

Ng apat na bunsong kanya-kanyang lipad!

 

Huling dalawang bayan: ako’y nagpatayo

Sampaguita Village bayan ng San Pedro;

At ngayo’y sa Taguig sa DMCI Homes

Bahay na binili ng unang anak ko!

Show comments