TUWING Marso ang Fire Prevention Month, pero dahil sa sunud-sunod na mga sunog na nangyari ngayong Hulyo, maaari na ring tawaging FP month. Sa loob ng isang linggo, apat na malalaking sunog ang naganap sa Metro Manila. Tatlo ang naitalang sunog sa Makati ngayong linggo. Una ay noong Linggo nang masunog ang isang residential na lugar sa Bgy. Tejeros, Makati. Wala namang namatay at nasaktan pero naabo ang maraming bahay sa lugar. Ikalawang sunog ay noong Huwebes ng umaga sa De la Rosa St. Makati, malapit sa Makati Medical Center. Wala rin namang naiulat na nasaktan o namatay sa sunog pero naabo rin ang halos lahat nang bahay sa lugar. Ikatlong sunog ay naganap sa Bagtikan St. Makati dakong alas onse ng umaga noon ding Huwebes kung saan maraming bahay din ang nasunog. Wala namang nasaktan o namatay. Ang dahilan umano ng sunog ay mula sa sumingaw na tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).
Ang ikaapat na sunog ay naganap sa Paco, Manila nang araw ding iyon na magkaroon ng sunog sa Makati. Bagama’t hindi malaki ang sunog sa Paco sapagkat naagapan kaagad, may isang babae na malubhang nasugatan dahil sa pagsabog ng tangke ng gas. Umano’y naglalakad ang biktima at pagtapat sa bahay, biglang sumabog ang tangke ng gas. Nakunan ng CCTV ang pagsabog ng tangke ng gas. Nalapnos ang katawan ng babae. Maagap namang napatay ang apoy kaya hindi na kumalat sa mga katabing bahay.
Pawang pagsingaw ng LPG tank ang dahilan kaya nagkaroon ng sunog. Nakakatakot na ang ganitong nangyayari na pawang pag-leak ng gas ang dahilan ng sunog. Iniinspeksiyon ba ang mga tangke ng gas bago i-refill? Karamihan sa mga tangke ng gas ay kinakalawang at malamang may singaw ang mga ito kaya sa isang kaskas ng posporo o kaya’y pag-on ng ilaw, sumasabog.
Lubhang delikado ito kaya nararapat ang pag-iinspeksiyon ng Department of Trade and Industry sa mga tindahan o establisimento na nagbebenta ng LPG lalo ‘yung mga nabibiling tangke na derektang may kalan na at instant na pinaglulutuan. Kailangan ang imbestigasyon at baka mga substandard ang mga tangke ng gas. Kawawa naman ang publiko na gagamit ng mga ito.