Babala sa lindol, seryosohin
NAGBABALA si Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) director Renato Solidum na posibleng gumalaw ang Marikina fault. Batay sa pag-aaral, tuwing ika-400 taon gumagalaw ang Marikina fault na ang huli ay nangyari pa noong 1658. Ngayon ay nasa pang-355 na taon na at may posibilidad na gumalaw na ito muli.
Walang anumang kagamitan ang makapagsasabi kung kailan mangyayari ang lindol pero may mga senyales dahil sa datos at pag-aaral.
Marami nang ginawang earthquake drill ang gobyerno para sa mamamayan upang mapaghandaan ang lindol lalo na ang mga estudyante na maaring maaktuhan habang nasa paaraalan. Subalit ayon kay Solidum, makabubuting paghandaan din ay ang pagpapatibay ng mga gusali.
Dito sa Metro Manila ay napakaraming lumang gusali at kung magkaroon ng malakas na lindol, babagsak ang mga ito at madadamay ang mamamayan.
Dapat seryosohin ang babala ng Phivolcs at pangunahan mismo ng gobyerno ang paghahanda. Sa ngayon ay hindi pa malawakan ang ginagawang hakbang ng gobyerno upang ipaÂtupad ang pagpapatibay sa mga gusali lalo sa Metro Manila. Maraming gusali ng gobyerno ang luma na at kapag lumindol nang malakas ay maaaring gumuho o magkaroon nang maÂlaking pinsala.
Pangunahan ng gobyerno ang pagkumpuni sa mga gusali na may mga tanggapan ng gobyerno at isunod ang nasa pribadong sector.
Nakasanayan na ng mga Pilipino na kung nangyari na ang trahedya ay saka lamang kikilos. Kung ito ay maagang napaghandaan, mas mababawasan ang posibleng pinsala nito.
Ang Pilipinas ay linduling bansa na dapat pinaghahandaan, hindi lamang ng mga mamamayan kundi maging ang mga istraktura o gusali. Kahit gaano pa kahanda ang mamamayan kung mahihina ang gusali, malaking pinsala pa rin ang makakamtam.
- Latest