EDITORYAL - Sermunan ang tamad, purihin ang masipag!

NARARAPAT lang purihin ang mga masisipag at masisikap na tauhan. Sermon naman ang nararapat sa mga tatamad-tamad at hindi gumagawa ng paraan para umunlad. Hindi dapat ipagsawalang-kibo ang mga tauhan na hindi nakatutulong at sa halip nagpapabigat pa sa dalahin.

Pranka si President Noynoy Aquino. Kapag nakita niya na hindi kumikilos at walang progreso ang mga itinalaga niyang opisyal o mga tauhan sa gobyerno, sesermunan niya ito sa karamihan ng tao. Hindi siya mapipigilan sa pagsasalita at sasabihin ang lahat nang nasa loob. Magalit na ang magalit at sumama man ang loob ng sinermunan, wala siyang pakialam basta masabi ang kanyang niloloob. Ito sa palagay niya ang paraan para maituwid o mamulat ang mga taong inilagay niya sa puwesto. May karapatan naman siyang magsermon sapagkat siya ang nag-upo sa taong inakala niya na makakatulong para maipatupad ang mga reporma. Malaki ang inaasam niya sa iniupong tao na gagawa ito nang kakaibang bagay para ganap na maituro ang “tuwid na daan”.

Marami na ring nasermunan si Aquino. Unang nasermunan niya ang director ng Philippine Atmos­pheric Geophysical Astronomical Services Administration (PAGASA) na si Prisco Nilo noong July 2010. Sinabon niya ito makaraang magkamali sa forecast ng bagyong “Basyang”.

Noong nakaraang Martes, nakatikim din ng sermon mula kay Aquino ang mga taga-National Irrigation Administration (NIA). Naging panauhing pandangal si Aquino sa NIA sa ika-50 anibersaryo nito. Pero sa halip na puri, sermon ang ibinigay ng Presidente. Halatang hindi siya nasisiyahan sa performance ng NIA administrator. Mariin ang pagkakasabi ng Presidente na walang gaanong natatapos na proyekto ang NIA para matugunan ang patubig sa mga lupain sa buong bansa. Ginawang halimbawa ng Presidente ang irrigation project sa Tarlac na umano’y sinimulan pa noong siya ay congressman sa lugar subalit hanggang ngayon ay hindi natatapos.

Sige, sermunan pa ang mga walang ginagawa at nagpapalaki lang ng “balls”. Kung sermon ang magmumulat sa kanila, gawin ito nang madalas. Huwag silang tantanan!

 

Show comments