Napakataas pala ng bilang ng mga pulis na sumasabak sa pagtupad ng tungkulin na walang dalang armas.
Aba’y aabot pala sa mahigit sa 70, 000 ang mga parak na walang baril.
Kung iisipin, di nga ba madalas eh mas armado at magagandang baril pa ang bitbit ng mga elementong kriminal sa kanilang mga pagsalakay kaysa sa ating kapulisan.
Ilang taon na ba na ito ang problema ng PNP, ilang administrasyon na ang nagpalit-palit pero hanggang sa ngayon nananatiling kulang pa rin sa logistic.
Kung sa ibang bansa, ang kanilang armed forces at law enforcement ang binibigyang ng prayoridad sa mga budget, mapa-nasyunal o lokal man , dito sa atin, ang mahahalagang ahensyang ito ang tila napag-iiwanan.
Gayunman, ayun sa pamunuan ng PNP, inaasahan daw na bago matapos ang taong ito, ay maaarmasan na rin ang mahigit sa 70,000 mga opisyal at tauhan ng PNP sa buong bansa.
Ito ay dahil sa nakatakda nang ideliber anumang araw sa susunod na linggo ang mga bagong Glock pistols na binili ng gobyerno kalahati ang presyo sa orihinal na halaga.
Talaga nga namang nakakalungkot na isipin na napakalaki pala ng bilang ng mga pulis ang walang baril, at ang tanging sandata ay pito lamang.
Paano nga naman katatakutan ang mga ito ng mga masasamang elemento, paano nila sasabakang habulin ang mga kriminal na ang armas ay matataas na kalibre ng baril samantalang tunog lang ng pito ang dala ng mga ito.
May mga ipaprayoridad daw sa pag-iisyu sa mga darating na armas, pero sana ang unahin ay yaong mga pulis na nakadestino sa field. Ihuli na siguro ang mga opisyal at tauhan na nasa opisina, dahil mas bingit sa panganib ang mga nasa labas.
Bukod sa mga inaasahang delivery ng mga baril para sa PNP plano rin ng ahensya na bumili ng may 2,500 bagong patrol cars para mapalakas umano ang anti-criminality campaign sa buong kapuluan.
Sana nga ay maisakatuparan at maayos na maipamahagi ang mga kagamitang ito sa ating kapulisan at hindi na maging ugat nang mga pagkakakitaan lamang.