EDITORYAL - Mabagal na National Irrigation Administration
KUNG sa Department of Public Works and Highways (DPWH) ay natuwa si President Aquino at nagbigay pa ng P10,000 bonus sa mga empleado nang magdaos ng anibersaryo noong nakaraang linggo, kabaliktaran naman ito sa nangyari sa National Irrigation AdminisÂtration (NIA) na nagdaos ng ika-50 anibersaryo kahapon. Sa halip na pagpuri at pagbibigay ng perang bonus, sermon ang ibinigay ng Presidente.
Sabi ng Presidente, hindi siya natutuwa sa mabagal na pagkilos ng NIA sa proyektong may kinalaman sa patubig. Ayon sa Presidente, panahon pa raw ng kanyang inang si President Cory ay may mga nakalatag ng proyekto para sa pagsasagawa ng mga dam at iba pang may kinalaman sa irigasyon upang mapakinabangan ng magsasaka pero hanggang ngayon, hindi pa napapakinabangan at hindi natatapos.
Bakas sa mukha ng Presidente ang pagkadismaya habang nagsasalita sa harap ng mga empleado. Inimbitahan siyang panauhing pandangal sa pagdiriwang. Umaasa naman marahil ang mga pinuno at empleado na pupurihin sila at pagkakalooban ng bonus. Pero hindi iyon ang nangyari. Bonus na sermon ang ibinigay.
Hindi naman masisisi ang Presidente kung magsalita o magparunggit sa mga taga-NIA. Talaga namang mabagal sila sa paggawa ng proyekto na may kinalaman sa patubig at irigasyon. Saan naman nakakita na isang agricultural na bansa ang Pilipinas subalit patuloy na umaangkat ng bigas sa ibang bansa. Problema ang kakapusan ng tubig sa mga palayan. Maraming natutuyong palayan dahil walang sapat na tubig at umaasa sa patak ng ulan. Bakit hindi apurahin ng NIA ang paggawa ng mga irigasyon o ang paghuhukay ng mga paglalagyan ng bomba na hihigop sa tubig na isusuplay sa napakalawak na bukirin. Napakayaman sa lupain ng bansang ito at walang dahilan para magutom ang mga tao. Hindi rin dapat umangkat ng bigas sa Thailand o Vietnam. Kung may sapat na patubig ang mga palayan, sapat-sapat o maaaring sumobra ang ani at walang magugutom.
Tama lang na sermonan ang mga taga-NIA. Ito lang ang paraan para sila magising sa katotohanan.
- Latest