Lampong (325)

“S IGE, Jinky, darating ako. Pipilitin kong makahabol sa biyahe ng barko. Huwag kang mag-panic okey?’’ Sabi ni Dick na nag-aalala na rin kay Jinky. Na-trauma na ito mula nang i-hostage ni Pac.

‘‘Ang pakiramdam ko, si Pac ang umaaligid at balak na namang pumasok sa bahay.’’

‘‘Sige Jinky, darating ako. Please calm down, sweety.’’

‘‘Sige Dick.’’

Natapos ang pag-uusap nila.

Nabawasan kahit paano ang nararamdamang takot ni Jinky. Idinasal niya na sana bago kumagat ang dilim ay narito na si Dick.

Tinungo ni Jinky ang kinaroroonan ni Mulong. Naabutan niyang may hina­hanap ito sa damuhan. Nagtaka si Jinky.

“Anong hinahanap mo Mulong?’’

“Mga bakas po ng sa­patos, Mam Jinky.’’

“Bakas ng sapatos? Bakit?’’

“Palagay ko po, bakas ito ng taong sinasabi ko.’’

Lumapit si Jinky at tiningnan ang itinuturo ni Mulong na bakas.

“Tingnan mo ito Mam. Sariwa pa ang bakas ng sapatos dito sa lupa.’’

Bakas nga ng sapatos ang nakita ni Jinky. Kinabahan na naman siya.

“Wala akong sapatos na ganito at ganundin si Dick. May tao ngang umaaligid dito, Mam.”

“Diyos ko. Dapat talagang dumating na si Dick.’’

“Tinawagan mo po Mam?”

“Oo. Parating na raw siya.’’

“Saan patungo ang bakas ng sapatos, Mulong?’’

“Sinusundan ko po, Mam Jinky pero putol po ang bakas. Wala na akong ma­kita. Maaaring hinubad ang sapatos para hindi masundan ang bakas.’’’

“Bakit?’’

“Para hindi po siya mahuli.”

Kinabahan na naman si Jinky.

“Sige Mulong, dito ka lang at magbantay. Huwag kang aalis. Sasaglit lang ako sa mga bagong pisang itik sa kubo.’’

‘‘Sige po.’’

Nang mabisita ang mga bagong pisa ay nagbalik na si Jinky sa bahay.

Nang dumilim at wala pa si Dick ay nag-alala na. Nagtataka kung bakit wala pa si Dick.

Nang lumalim ang gabi, kinabahan pang lalo si Jinky.

(Itutuloy)

Show comments