Ang honeymoon na binagyo, nilindol at binaha

MATAGAL na pinlano at pinaghandaan nina Stefan at Erika Svanstrom ng Stockholm ang kanilang honeymoon. Apat na buwan silang magliliwaliw sa iba’t ibang lugar. Kasama nila sa honeymoon ang kanilang baby girl. Naganap ang pinakaaasam nilang honeymoon noong Dis. 6, 2010.

Subalit tila may kakambal na malas ang itinakda nilang honeymoon. Pagdating nila sa Munich, Germany na una nilang lugar na pagliliwaliwan, na-stranded agad sila sa airport. Hindi sila makalabas sapagkat grabe ang snowstorms. Pinaka-worst storm na nangyari sa Europe.

Pagkatapos sa Germany, lumipad naman ang pamilya sa Australia. Subalit pagda­ting nila sa Brisbane, isang matinding baha ang naranasan nila roon. Na-stranded din sila.

Nang magtungo naman sila sa Cairns, Australia pa rin, cyclone naman ang naranasan nila roon. Maraming bahay at kahoy ang natumba. Ini-evacuate sila at 24-oras na namalagi sa isang shopping mall kasama ang 2,500 katao. Nagtiis silang humiga sa malamig na cement floor.

Nang magpunta naman sila sa Perth, Australia, grabeng bush fires ang naranasan nila na muntik pa nilang ikapahamak.

Akala nina Stefan at Erika, tapos na ang mga mararanasang disaster. Hindi pa pala. Eksaktong dumating sila sa Christchurch, New Zealand, isang 6.3 magnitude na lindol ang tumama sa nasabing lugar. Maraming bahay at gusali ang nawasak.

Akala ng mag-asawa, tapos na ang disaster pero hindi pa pala. Nang magtungo sila sa Tokyo, Japan, isang malakas na lindol ang muli nilang naranasan.

Kaya nang magtungo sila sa China, bilang huling bansa na kanilang pagliliwaliwan, naitanong nila kung ano naman disaster ang kanilang kahaharapin. Pero napayapa ang kanilang kalooban sapagkat napaka-tahimik ng kanilang stay sa nasabing bansa.

Nang magbalik sila sa Stockholm pagkaraan ng apat na buwang pagliliwaliw, saka lamang napag-isip-isip ang mga hindi malilimutang karanasan sa pagha-honeymoon. Sabi ni Estefan, “Alam ko na maraming pinagdadaanan ang buhay-may-asawa, at sa aming naranasan, palagay ko nalampasan na namin ang mga iyon.” (www.oddee.com)

 

Show comments