EDITORYAL - Kalingain naman ang weather forecasters

MAHIGIT 20 bagyo ang tumatama sa Pilipinas taun-taon. Karamihan sa mga bagyo ay mala­lakas at mapanira. Kapag hindi naibigay ang tamang lokasyon at lakas ng bagyo sa mamamayan, tiyak na maraming mamamatay. Hindi makapaghahanda ang mga tao. Hindi sila makalilikas sa mas ligtas na lugar. Bigla na lamang silang gugulantangin nang malakas na hangin at ulan at magdudulot nang pagbaha.

Mahalaga na mayroong mga tao na magtataya ng lagay ng panahon. Kailangan ay mga taong may sapat na kaalaman sa larangang ito. At ang mga taong ito ang kailangan ng bansa na laging dinadalaw ng bagyo. Kailangan ng bansa ng mga taong bihasa sa weather forecasting.

Pero paano magkakaroon ng mga magagaling na forecaster ang bansa gayung kakarampot lang pala ang suweldo nila. Paano sila mahihikayat na manatili sa paglilingkod sa sambayanan gayung kulang pa sa pang-araw-araw na pangangailangan ang kanilang sinusuweldo.

Ayon sa report, ang weather observer sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ay tumatanggap lamang ng P17,209 isang buwan kasama ang P2,000 na allowance­ samantalang ang meteorologist ay may suweldong P24,000 at P2,000 allowance. Ang administrator ay sumusuweldo ng P63,000.

Maliit ang suweldo ng mga taga-PAGASA kung ikukumpara sa suweldo ng ilang taga-gobyerno na sumusuweldo nang mahigit P100,000 bukod pa sa malalaking allowance. Mas hamak na mas malaki ang suweldo ng mga taga-MWSS kaysa sa mga taga-PAGASA. Noong nakaraang taon, nabulgar na malalaki ang tinanggap na mga bonus ng mga taga-MWSS. Noong nakaraang taon din naman nabatid na may mga taga-PAGASA na hindi makapasok sa trabaho dahil walang pamasahe.

Ang maliit na suweldo ang dahilan kaya maraming weather forecaster ang nagre-resign sa PAGASA para magtrabaho sa ibang bansa. Isa si PAGASA admi­nistrator Nathaniel Servando sa mga nag-resign para magtrabaho sa Qatar. Malaki ang susuwelduhin ni Servando sa Qatar.

Kalingain ng pamahalaan ang weather forecasters. Huwag silang pabayaan. Kung ang ibang tanggapan ay nabibigyan ng P10,000 bonus, ganito rin sana ang gawin sa mga taga-PAGASA.

 

Show comments