KUNG na-diagnose kang may diabetes, ipasuri na rin ang iyong blood cholesterol level at ipa-monitor ang iyong blood pressure. Madalas ay may kaakibat na high blood cholesterol level at high blood pressure ang diabetes. Mahalagang makontrol na agad ang mga ito upang malayo sa panganib ng heart attack at stroke at iba pang nakatatakot na kumplikasyon na dala ng diabetes gaya ng pagkabulag at pagsailalim sa dialysis dulot ng pumapalyang kidney.
Karamihan sa mga diabetiko ay may minamantinang gamot para makontrol ang kanilang blood sugar. Mahalagang sundin natin ang pag-inom ng tamang gamot at i-monitor ang status ng blood sugar para hindi umabot sa puntong kakaila-nganin na ang insulin injection para sa diabetes.
Kung hindi nakakayang kontrolin ang sugar level ng isang klase ng gamot na iniinom, kakailanganin ang tinatawag na combination drug therapy. May isa pang klase ng gamot kontra-diabetis ang idadagdag upang maabot ang rekomendadong blood sugar level. Kasabay pa rin nito ang tamang diet para sa diabetiko at regular na ehersisyo. Pinaniniwalaang nagpupundar ang lapay (pancreas) ng insulin kapag tayo ay nag-eehersisyo.
Kung maigi ang control ng blood sugar, hindi agad-agad kakailanganin ang insulin injection. Pero sa paglipas ng panahon, ang mga lapay ng may Type 2 diaebetes ay darating sa puntong titigil na sa pagpundar ng insulin. Dito ay kakailanganin na nilang magsaksak ng insulin para maibaba ang kanilang blood sugar level. May mga taong nagsasaksak ng maliit na dosis ng insulin sa gabi bago matulog habang patuloy na iniinom ang kanilang gamot kontra-diabetes.
Takot ang pumapasok sa atin kapag binanggit ang injection. Agad nating iniisip ang karayom na kaakibat ng pag-iineksyon. Sa kaso ng mga diabetiko, marami ang nag-aalala sa posibilidad ng insulin injection pagdating ng araw.
Normal lamang na matakot tayo sa karayom. Pero magugulat kayo na ang injection ay hindi masakit. Ang insulin ay ini-inject lamang sa “fat layer†sa ilalim ng balat kung saan kakaunti ang ating nerve endings. Nagiging masakit ang pagtusok kung gagawin ito sa bahagi ng ating katawan na “maraming nerve endings.†Dagdag pa rito, maliit lamang ang karayom – manipis at maikli ito (kung tawagin ay “fine gauge needles). Sa pamamagitan ng tamang training sa pag-iinject ng insulin, mababawasan ang inyong pag-aalala sa pagsailalim sa insulin injection therapy. Pero hangga’t may panahon pa, kontrolin na nating maigi ang ating blood sugar level upang hindi sumailalim sa insulin injection.