INABOT na ng tag-ulan ang mga proyektong isinasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Hindi natupad ang kanilang itinakdang panahon ng completion ng kanilang mga proyekto na kinabibilangan ng paghuhukay ng mga imburnal para lagyan ng bagong culvert, paghuhukay sa mga kalsada para isemento at ang pagtatagpi sa mga butas o reblocking ng mga kalsada particular sa EDSA, Commonwealth at Quezon Avenue sa Quezon City.
Sabi ng DPWH noong Marso, sinimulan nila nang maaga ang paghuhukay sa mga kalsada at imburnal para pagsapit ng tag-ulan at pagbubukas ng klase ay tapos na ang mga ito. Pipilitin umano nilang matapos sa takdang panahon para hindi magkaroon ng problema sa mga motorista.
Subalit hindi nagkatotoo ang ipinangako ng DPWH sapagkat inabot ng tag-ulan at pagbubukas ng klase ang kanilang proyekto. Ang mas matindi, nagiging dahilan ng baha ang ginagawang proyekto ng DPWH lalo na ang mga hinukay na imburnal na hanggang ngayon ay nakatiwangwang. Halimbawa ay ginagawang drainage project sa Sampaloc at Sta. Cruz area at ganoon din sa Quezon Avenue, malapit sa Santo Domingo church. Dahil hindi pa tapos ang drainage, walang madaluyan ang tubig na naging dahilan ng grabeng baha particular sa Maynila.
Sunud-sunod ang pagbaha sa Maynila. Noong Huwebes ng hapon, naging dagat ang España St. at iba pang kalsada sa Sampaloc area. Pinasok ng baha ang UST kaya sinuspinde ang klase. Bumaha rin sa Taft Avenue, paligid ng Manila City Hall, Kalaw at iba pang kalsada. Ang nakapagtataka, saglit lang ang pag-ulan pero bumaha agad. Naipon ang tubig at tila walang madaluyan. Maraming na-stranded dahil sa mabilis na pagtaas ng tubig.
Hinala namin, dahil sa mga nakabarang plastic na basura sa mga estero at kanal ang dahilan ng pagbaha. Pero ngayon, mas tumitibay ang hinala na malaki ang kaugnayan ng mga paghuhukay ng DPWH kaya nagbabaha. Kailan ba tatapusin ang mga paghuhukay na ito?