NAPAKASAKLAP nang nangyari kay Larry Goodwin ng Texas, USA. Pinagtulungan siyang kagatin ng mga pukyutan at naging dahilan ng kanyang biglaang kamatayan. Ang nakapanghihilakbot pa, nangyari ang insidente dalawang araw makaraan siyang magdiwang ng kanyang ika-62 taong kaarawan. Maraming pinagdaanang pagsubok si Goodwin at hindi niya akalain na mga pukyutan lang pala ang tatapos sa kanyang buhay.
Ayon sa asawa ni Goodwin, minamaneho nito ang traktora nang biglang mabangga ang bahay ng pukyutan. Sa isang iglap, naglabasan sa beehive ang napakaraming pukyutan at pinagtulungang kagatin si Goodwin. Tinulungan umano si Goodwin ng kanyang asawa at kapitbahay subalit walang nagawa ang mga ito sa napakatatapang na African bees.
Sa isang iglap, namatay agad si Goodwin dahil sa tindi ng mga kagat. Hindi na nadala ng ospital ang kawawang si Goodwin. Labis ang panlulumo ng kanyang asawa sa nangyari. Hindi na niya akalain na mga pukyutan lamang ang papatay sa kanyang asawa.
Sabi ng bee exterminator na si Allen Miller, mababagsik talaga ang African bees kaya sa European bees. Ang mga pukyutang ito ay nagagawang makapasok sa loob ng damit na hindi magawa ng ibang insects. Mabilis gumapang ang mga ito at sobrang sakit kung kumagat. Ayon kay Miller, ang mga ordinaryong European bees ay mga 10 percent lang ang aatake kapag nagambala ang kanilang beehive pero ang African bees, lahat ay aatake at sabay-sabay kakagat. Bihira umano ang nakaliligtas kapag inatake nang maraming African bees.