DUMARATING ang kamatayan nang iglap kahit anong oras at kahit saang lugar. Ang nakakaÂkilabot ay ang hindi inaasahang paraan kung paano mangyayari ang kamatayan. Katulad nang nangyaring biglaang kamatayan ng tatlong empleado ng Abenson appliances noong Biyernes ng gabi sa tapat ng Two Serendra Condominium sa Global City, Taguig. Nagdadaan lamang umano ang van ng Abenson nang biglang bumagsak ang konkretong dingding ng isang unit ng condominium. Sapol na sapol ang van na noon ay marahang nagdadaan. Yuping-yupi ang van matapos bagsakan at sa itsura, walang mabubuhay sa mga nasa loob.
Ang mga namatay ay nakilalang sina Sallymar Natividad, 41, driver ng van, may-asawa at taga-BulacanÂ; Marlon Bandiola, 29, assembler, may-asawa at taga-Cavite; at si Jeffrey Umali, 32, assembler, ng Sta. Mesa, Manila. Sila ang tatlong casualties sa nangÂyaring explosion sa Two Serendra. May ilan umanong nasugatan at kasalukuyang nasa ospital. Hindi pa naman tapos ang imbestigasyon ng pulisya kaya walang mailabas na resulta. Kahapon, ayon sa mga report, maliit ang tsansang bomba ang dahilan ng explosion. Nang mangyari ang explosion noong Biyernes, may nagsabing gas leak umano ang dahilan.
Nangyari na ang nakakakilabot at hindi inaasahang kamatayan. Ayon sa mga naulila ng tatlong biktima, hindi nila alam kung paano haharapin ang kanilang bukas. Ngayong nawala na raw ang tanging tao na naghahanapbuhay para sa kanila, hindi nila alam kung paano bubuhayin at pag-aaralin ang mga anak. Litung-lito sila sa nangyari at hindi pa rin makapaniwala na darating ang ganito kasaklap na pangyayari.
Kahapon, ayon sa maybahay ng isa sa mga biktima, wala pa raw nagpapadala ng tulong sa kanila mula sa kompanyang pinagtrabahuhan ng asawa. May pangako raw sa kanila subalit wala pang dumarating. Lalo raw nadadagdagan ang nadarama nilang sakit at kirot sa nangyaring trahedya sa kanilang buhay.
Nararapat silang tulungan ng mga kinauukulan. Huwag silang balewalain sa sinapit.