Namatay na asawa sinusundan

MAY batayang siyentipiko rin pala ang sinasabi o obserbasyon na  napapadali rin ang buhay ng isang matandang biyudo o biyuda, dahil hindi nagtatagal, sumusunod na rin sila sa namayapa nilang asawa. Minsan pa umano itong  napatuna­yan sa siyam na taong pananaliksik nina Nicholas Christaki ng Harvard Medical School (Boston, United States) at Paul Allison ng University of Pennsylvania na sumaklaw sa mga mag-asawang may edad na 65 anyos pataas. Ayon sa kanila, kritikal ang unang 30 araw para sa mga balo mula sa pagkamatay ng kani-kanilang  asawa.  May 61 porsiyento ang tsansang sumunod sa kanyang namayapang asawa ang isang biyuda samantalang 53 porsiyento naman ang tsansa sa mga biyudo.  Hanggang dalawang taon din ang tsansang manganib na mamatay ang isang matanda kapag naospital ang kanyang asawa.  Kabilang umano sa puwedeng dahilan nito ang stress,  kawalan ng kaukulang social support at malakas na pag-inom ng alak kaya napapadali rin ang buhay ng ilang mga matatandang balo. Dahil dito, inirerekomenda  sa pag-aaral na, kapag sinusuri ng mga manggagamot ang isang matandang pasyente, dapat ding tingnan ang kalusugan ng asawa nito. 

• • • • • •

Sa University of Zurich (Switzerland), sinubukan ng isang grupo ng mga researcher na pag-eksperimentuhan ang paggamit ng oxytocin nasal spray sa mga taong hindi madaling magtiwala sa kanilang kapwa. (Ang oxytocin ay isang klase ng hormone na kumikilos sa loob ng katawan ng mga buntis. Sa Europe, ginagamit din ang nasal spray na ito sa mga nanganganak).  Lumilitaw na ang mga taong ginamitan nila ng oxytocin nasal spray ay nagkakaroon ng tiwala sa mga estrangherong humahawak sa kanilang pera.  Pero sinasabi naman nila na maaaring makatulong ang oxytocin sa mga may sakit na autism at social phobia (iyong mga takot sa kapwa tao).  Gayunman, may tatlong minuto lang umano ang bisa ng oxytocin. Idiniin din ng mga researcher at ng iba pang mga neuroscientist na hindi trust serum o gamot para sa  pagtitiwala ang oxytocin.  Lumalabas lang anila sa naturang eksperimento na mahalaga ring tignan at imbestigahang mabuti  ang pag-aaral na ito sa oxytocin lalo na sa epekto nito mga may mental disorder.  Ito ang unang pagkakataong sinubukan sa tao ang oxytocin. Nauna kasi itong ginamit sa mga hayop na nagkakaroon umano ng mainit na pagtanggap sa mga kapwa nito hayop.  Pero sa tao? Inihabol naman ng researcher na hindi ito mabisa sa mga may normal na pag-iisip lalo na kung ilang beses nang sinira ng ibang tao ang kanilang pagtitiwala.

 

Show comments