EDITORYAL – Pagtataas ng tuition fees

INAPRUBAHAN na ng Commission on Higher Education­ (CHED) ang 10 hanggang 15 por­siyentong pagtataas ng tuition fees ng mga pribadong kolehiyo at unibersidad. Ibig sabihin, nilalasap na ngayon ng mga nag-eenrol sa college ang dagdag na pataw sa tuition fees. Nagsisimula na ang enrollment sa ilang private colleges and universities.

Ang pagtataas ng tuition fees ay pasaning mabigat para sa mga magulang. Marami ang hindi malaman kung saan kukunin ang pang-tuition ng kanilang mga anak. May mga magulang na “kakapit sa patalim” para lamang makalikom ng perang pang-tuition. Sa kabila ng mataas na tuition pilit nilang igagapang ang kanilang mga anak. Naniniwala sila na ang edukasyon ang tanging maiipamana nila sa mga anak. Kaya nga kahit na taun-taon ay nagtataas ng tuition ay pilit nilang iginagapang ang pag-aaral ng mga anak. May mga magulang na nagsa-sideline para madagdagan ang kita at maidagdag sa pang-tuition. Kung anu-anong pagkakakitaan ang pinapasok para lamang may maipon sa pag-aaral ng mga anak.

Wala namang magawa ang CHED sa hirit ng mga pribadong kolehiyo at unibesidad sa pagtataas ng tuition fees. Kapag nag-apply sa kanila ng petisyon sa pagtataas ng tuition ang unibersidad ay agad na inaaprubahan. Ni wala yatang kunsultasyon sa mga magulang ang ginagawang pagtataas.

Noong nakaraang Marso, naging headline ang pagpapakamatay ng isang UP coed dahil hindi pina­yagang makakuha ng exam. Masyadong napahiya ang estudyante at hindi nakayanan ang nangyari kaya lumaklak ng silver cleaner. Bukod sa UP coed, mayroon pang ibang estudyante na nagpakamatay dahil hindi makakuha ng exam. Kapos sila sa pang-tuition.

Ngayong itinaas na naman ang tuition fees, delikadong maulit na naman ang nangyaring pagkitil sa buhay.

Magkatotoo naman sana ang sinabi ng CHED na inalis na nila ang patakaran na hindi makakakuha ng exam ang mga hindi bayad ng tuition. Ayon pa sa CHED, kinausap na nila ang mga school officials at nangako na magiging maunawain at mabait sa mga kapos ang pang-tuition.

Show comments