^

Punto Mo

‘Tuklap hanggang buto’

- Tony Calvento - Pang-masa

Walang sini-sino, walang oras na pinipili, at lugar na pinangyayarihan ang isang insidenteng matatawag nating aksidente.  Pwede mong maiwasan ng isang beses, mailagan ng dalawang beses, subalit hindi araw-araw kaya mong protektahan ang iyong sarili. Ang importante dapat tayo’y palaging alerto.

Ganito ang nangyari kay Jose “Jun” Mapa—31 anyos ng Taytay, Rizal. Nagtatrabaho si Jun bilang taga-hakot ng basura sa dumpsite. Ang namamahala sa tambakan na ito ay ang City Environment Management Office o CEMO ng Marikina City.

Sa kakarampot niyang kinikita, namumumrublema ngayon si Jun sa idinulot sa kanya ng isang aksidenteng nangyari sa kanyang trabaho.

Alas-8 ng gabi noon ng Pebrero 28, 2013 naglilinis ng mga nahulog na basura itong si Jun gamit ang walis tingting na may mahabang patpat na hawakan.

Pinagsasama-sama at pinupulot ni Jun ang mga nahulog na bubog mula sa mas mataas na parte ng dumpsite.  Hindi pa niya nasisimot ang mga bubog nung madinig niyang biglang umatras ang trak. Sumigaw at sumenyas si Jun sa driver para huminto ito.

“Sandali lang! May mga bubog pa!,” hiyaw ni Jun sa driver na hindi niya kakilala.

Hindi siya nadinig nito hanggang sa palapit nang palapit na sa kanyang direksyon ang trak. Kinalampag na ni Jun gamit ang hawakan ng walis ang tagiliran ng trak sa bandang likuran.

“Hoy! Tigil! May mga bubog pa!,” paulit-ulit na sigaw ni Jun.

Nagtuluy-tuloy pa rin ang  trak, hanggang sa bigla na lamang nagdilim ang paningin ni Jun at nagkikisay siya roon.  Nawalan siya ng malay dulot ng pag-atake ng kanyang sakit na “epilepsy”.

Hindi na niya namalayang kumawit na pala ang hawakan ng walis sa pagitan ng bakal at gulong ng trak kaya’t tuluyan siyang nakaladkad.  Kumaskas sa sementadong sahig ang kanang kamay ni Jun na tumagal ng ilang minuto.

Kwento kay Jun ng mga nakakita sa pangyayari, natigil na lamang ang  driver nung may makapansin na at sinigawan na ang  driver.

Nagising na lang siya sa loob ng Amang Rodriguez Hospital. Pagmulat ng kanyang mga mata, nangilabot siya nung makita niyang talop na ang balat niya sa kanang kamay.

Nakausli ang buto ng kanyang hintuturo at magang-maga ang  palibot ng laman nito. Halos madurog ang kanyang buong kamay. At hindi niya maigalaw ang  kanyang mga daliri. Ipinangutang lamang ni Jun at ng kanyang ina ang  ipinangtustos sa bayarin sa ospital. Matapos ang isang linggo pagpapagaling, hinanap at inaba­ngan ni Jun sa dumpsite ang driver na  naka-aksidente sa kanya. Tanging ang isang kasamahan ng driver na ito ang  kanyang na­tyempuhan doon.

“Naku pare, nabalitaan na­ming namatay na dahil sa atake sa puso yung driver na nakadali sa kamay mo,” sabi ng kasamahan nito. Lumung-lumo si Jun sa kanyang nalaman dahil hindi niya alam kung paano masusuportahan ang  mga gamot sa kanyang tinamong mga sugat. Gusto sana ni Jun na malaman ng operator ng trak ang nangyari sa kanya para sa tulong sa kanyang pagpapagamot.

“Yung kita ko po naipambayad na sa ospital kahit po piso wala pong itinulong sa akin yung driver o yung operator ng trak,” hinaing ni Jun.

Nais sana ni Jun na matukoy ang pangalan ng operator ng trak upang panagutin sa nangyari sa kanya. Tanging ang plate number ng trak na “RJU 250” ang kanyang nakuha.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hus­tisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Jun.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, dahil hindi nalaman ni Jun kung sino ang driver ng trak ay pinapunta muna namin siya sa Land Transportation Office para matukoy kung kanino nakarehistro ang  sasakyang ito.Dapat munang siguruhin ni Jun na patay na nga ang driver dahil mula sa sabi-sabi lang niya nakuha ang impormasyon. Baka mamaya, nagpapanggap lamang ito upang matakasan ang  kanyang pananagutan kay Jun.

 Sakaling hindi nga ito totoo, “Reckless imprudence resulting to serious physical injuries” ang dapat na ikakaso sa driver.  Kung patay naman nga talaga ito, maaring habulin ni Jun ang may-ari ng dump truck. Sa usa­ping sibil, ang may-ari ng “dumptruck” ang itinuturing na ikatlong partido(“third party”) sa aspekto ng “quasi delict”.

Ito ay dahil sa naganap ang aksidente dulot ng kapabayaan ng kanyang tauhan habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin sa kanyang kompanya. (KINALAP NI PAULINE VENTURA)

Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784392 o 0906-7578527 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Bldg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

 

AMANG RODRIGUEZ HOSPITAL

DRIVER

JUN

KANYANG

TRAK

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with