Lampong (288)

“S A tingin ko wig. Pahipo ha, Tanggol?’’ Sabi ni Jinky at walang nagawa si Tanggol kundi ipahipo ang buhok niya. Kung tatanggi siya ay baka maghinala at mabisto ang pagbabalatkayo niya.

Hinipo ni Jinky ang buhok­ ni Tanggol. Hinimas-himas.

‘‘Ay ang lambut-lambot. Sina-shampoo mo araw-araw, Tanggol?’’

‘‘Tatlong beses isang linggo Mam Jinky.’’

“Ang kintab. Mas makintab pa yata sa buhok ko.’’

Pinanindigan na ni Tanggol­ ang pagsisinunga­ling ukol sa buhok.

‘‘Ginagamitan ko ng coconut­ oil Mam.’’

‘‘Talaga? Ang ganda. Akala ko talaga, wig.’’

Napalunok ng laway si Tanggol. Naidasal niyang huwag sanang batakin ni Jinky at baka mabisto na wig nga iyon. Mabuti at nag-iba ng topic si Jinky.

‘‘A kaya ka pala nagpahaba ng buhok ay dahil sa niloko ka ng dati mong nobya. At magpapagupit ka lamang kapag lubusan mo nang nalimutan ang masakit na pangyayaring iyon sa iyong buhay. Ganun ba, Tanggol?’’

“Opo Mam Jinky.’’

“So hanggang ngayon, mayroon ka pang kinikimkim na galit sa dati mong siyota?’’

“Meron pang kaunti pero napatawad ko na siya.’’

“At isang palatandaan na wala ka nang kinikimkim ay kapag ipinagupit mo na yang buhok mo.’’

‘‘Opo. At sign din po na umiibig na akong muli. Mayroon na akong bagong pag-ibig. Wala na ang mga naranasan kong sakit. Bumahaw na ang sugat at handa nang magmahal nang labis…’’

Napatitig na naman sa kanya si Jinky. Para bang naantig sa mga binitawan niyang pananalita. Para bang humahanga ito sa kanya.

‘‘Ang sarap mo sigurong magmahal, Tanggol. Parang nararamdaman ko ang kadalisayan ng iyong mga sinasabi. Napaka-suwerte naman ng babaing muli mong mamahalin…’’

Hindi naman nagsalita si Tanggol. Nararamdaman kasi niya na maaaring bumigay siya sa tindi nang pagka­sabik sa babaing kaharap. Pero pilit niyang pinigil ang sarili. Hindi pa siya lalantad. Marami pa siyang gustong matuklasan sa pagkatao ni Jinky. At maaaring malaman niya kung ano ang talagang saloobin ni Jinky para sa kanya.

Saka ay napansin niyang napatungo si Jinky. Nana­tili sa ganoong ayos. Nahu­hulaan ni Tanggol na may gusto itong ipagtapat.

‘‘Gusto mong marinig ang mga nangyari sa buhay ko, Tanggol?’’ Sabi at tu­mingin sa kanya.

‘‘Sige po Mam Jinky. Siguro po maganda ang kasaysayan mo...’’

(Itutuloy)

Show comments