AYON sa ilang doctor, ang isang tao raw na nahulog mula sa third floor ng isang building o bahay ay mahihirapan nang maka-survive.
Kaya isang himala ang nangyari kay Alcides Moreno na nahulog mula sa 47th floor ng isang mataas na building sa Manhattan. Nang daluhan ng rescuers si Alcides, nakaupo pa ito. Ang kapatid ni Alcides na si Edgar ay hindi pinalad na mabuhay. Nagkalasug-lasog ang katawan ni Edgar.
Sina Alcides at Edgar ay mga window washers. Sila ang naglilinis ng mga salamin ng matataas na buildings sa Manhattan area. Napaka-delikado ng kanilang trabaho. Isang pagkakamali at maaari silang mahulog. Mayroon silang tinatapakang plataporma at may sinturon na nakakabit sa kanilang baywang para masiguro na hindi sila mahuhulog.
Noong Disyembre 2007, habang nasa 47 floor ng building (nasa 500 feet ang taas) nasira ang kanilang tinatapakang plataporma. Dahil sa bigat, bumulusok sila at bumagsak sa isang alley.
Nang daluhan ng mga bumbero ang dalawa, nakita nilang nakaupo si Alcides samantalang patay na si Edgar.
Isinugod si Alcides sa ospital. Nagkaroon siya ng pinsala sa gulugod, utak at baywang. Pero ang mahalaga, buhay siya. Isang himala ang nangyari kay Alcides.