EDITORYAL - May pag-asa nasa PAGASA

SA susunod na buwan ay magpaparamdam na ang pagbabago ng panahon. Kung ngayon ay sobrang init, tiyak na sa kalagitnaan ng Mayo ay magsisimula na ang pag-ulan. At sa Hunyo, tiyak na dadalaw na ang bagyo. Mga bagyo na magdadala ng pag-ulan at pagbaha. Mula Hunyo hanggang Agosto, sunud-sunod ang pagdalaw ng bagyo at karamihan ay mapaminsala. Nagwawasak ng mga bahay at mayroong namamatay.

Mahalaga na magkaroon ng sopistikadong gamit ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astro­nomical Service Administration (PAGASA) para mabatid ang kinaroroonan ng bagyo. Dahil sa kalumaan ng gamit ng PAGASA, hindi na makita ang tamang kinaroroonan ng bagyo at nagiging dahilan ng pagkalito ng mga tao. Sa nakaraan, may forecast ang PAGASA na hindi raw tatama sa lupa ang bagyo pero kabaliktaran ang nangyari sapagkat hinambalos nang todo ang lugar na unang sinabi ng PAGASA na hindi tatamaan.

Noong 2010, isang forecaster ng PAGASA ang sinermunan ni President Aquino dahil sa palpak na babala sa bagyo. Nag-resign ang forecaster. Marami pang pangyayari na hindi accurate ang pag-aanunsiyo ng sama ng panahon. At ang katwiran ng PAGASA, luma na ang gamit. Hindi na nila matantiya at ma-locate ang bagyo.

Pero ngayong 2013, mas mapapagbuti na raw ng PAGASA ang pagbibigay ng babala sa paparating na bagyo. Noong nakaraang taon, naka-acquire na ng Doppler radars ang PAGASA at operational na. Kamakailan, isang state-of-the-art mobile radar ang na-acquire ng PAGASA. Nagkakahalaga ng P30-million ang radar. Ayon sa PAGASA kaya nitong ma-predict ang malalakas na bagyo. Kapag nadeliber na ang radar, ilalagay ito sa lugar na dadaanan ng bagyo at malalaman na ang bilis at ang tinatahak na mga lugar nito. Mabibigyan nang maliwanag na impormasyon ang mamamayan.

Sana tuluy-tuloy na ang pag-asa sa PAGASA.

 

 

Show comments