HINDI madaling magnegosyo. Bago ka makapagpatakbo ay kailangan mo ng maingat na pananaliksik sa napipintong merkado, makagawa ng produktong ibebenta na sasailalim sa mahigpit na pagsusuri at makahanap ng mga tapat na tauhan.
Maraming pagsubok na hindi maiiwasan. Nariyan ang kalaban mo ang panahon, ekonomiya, hindi makontrol na pagtaas ng presyo ng supplies, hindi maisarang deals, merkado, mga kakumpetisyon sa negosyo. Kung ikaw ay negosyante, paano mo haharapin ang kumpetisyon? Uurong ka o susugod? Makikipag-usap o makikipagbangayan?
Hindi laging suwabe ang takbo ng buhay, ganyan din ang negosyo. Kung kailan maganda na ang iyong sales ay bigla kang magugulantang sa pagpasok ng mga bagong kakumpetensiya na may bagong produkto --- binago lang ng kaunti sa hitsura, pangalan at presyo. Ano ang gagawin sa ganitong sitwasyon? Naitanong ito sa akin ng kaibigang nagbebenta rin ng tinapay.
Problema raw niya dahil may isang bagong supplier na nagpasok ng produkto sa coffee shop kung saan din siya nagsusuplay. Parehong-pareho daw ang kanilang produkto. Pangalan lang ang iniba at binabaan pa ang presyo. Payo ko, huminahon siya at kausapin ang may-ari ng coffee shop. Itanong kung maaari bang kausapin ang bagong supplier na ibang item na lamang ang ilagay dahil mayroon ka na nito, at gayundin ay bilang respeto na sa iyo dahil ikaw naman ang naunang supplier. Ngunit kung hindi pumayag ang bagong supplier, kailangang magpasya kung ikaw ang mag-aadjust. Bababaan ang presyo o papalitan ang item ng ibang flavor? O kung magwi-withdraw ka na lamang sa pagsu-supply. I say, mag-adjust na lang. Ikaw ang mawawalan ng kabuhayan kapag nagpatalo. Minsan kailangan mong lunukin ang pride.
Ikalawa, hilingan ang owner ng coffee shop kung maaa-ring magkaroon ng house rules pagdating sa pagsu-supply ng mga tinapay para hindi nagkakadoble-doble ang uri ng binebenta. Baka magkaroon ng kalituhan sa mga bumibili.
Ikatlo, magdasal at mag-isip bago ibuka ang bibig. Makipag-usap ng maayos. Tandaan, supplier ka lang at madaling palitan. Hindi ka puwedeng magmataas sa may-ari ng coffee shop. Bago umalma, alamin ang iyong kinalalagyan. Kailangang laging handa at may plano. Mahirap mag-isip ng strategy kung pinapangunahan ng galit ang sitwasyon. Sinusubukan ka lang Niya para tumibay at maging maabilidad sa pagnenegosyo. Huwag susuko.