BIGLANG naging aktibo ang Philippine Pharmacist Association (PPA) at agad silang nagsagawa ng survey sa maraming botika sa Camanava area. Natuklasan nila na ang mga nag-ooperate ng botika roon ay walang pharmacist. Ayon sa PPA, 70 percent ng mga botika sa Camanava ay walang pharmacist. Ayon sa PPA, dapat may resident pharmacist ang bawat botika. Ang pharmacist umano ang magbibigay o magtitimpla ng gamot sa customer. Nararapat daw na isang may kasanayan sa gamot ang mamamahala sa botika sapagkat ngayon daw ay may anti-microbial resistance kung saan ang pasyente ay nagiging resistant sa gamot.
Bakit ngayon lang kumikilos ang PPA? Matagal nang practice na ang mga may-ari ng botika ay umuupa lang ng lisensiya sa mga tunay na pharmacists. Matagal nang nangyayari ito at baka nga hindi lamang 70 percent ng mga botika walang pharmacist.
Sa batas (Republic Act 5921) o Pharmacy Law, mahigpit na ipinagbabawal ang pagtatayo ng botika kung walang pharmacist. Kailangang pasado sa Pharmacy board exam ang sinumang mag-eengaged sa pharmacy. Kailangan ding may valid certificate of registration ang botika.
Pero hindi nasusunod ang nakasaad sa Pharmacy law sapagkat lumalabas na kahit sino na lang ay maaaring mag-engaged sa negosyong pagbobotika. Isang malinaw na paglabag sa batas at maaaring maparusahan ang sinumang hindi susunod sa itinatadhana ng RA 5921. Pero mayroon bang napaparusahan? Meron bang nabalitaang ipinasarang botika dahil walang pharmacist? Wala!
Ngayong nasisilip na ang mga botikang walang pharmacist, dapat magkaroon na nang paghihigpit. Nararapat pangunahan ng PPA ang pagsisiyasat sa natuklasan. Huwag nang hintayin na may mapahamak na pasyente dahil hindi pharmacist ang nagtimpla ng kanyang gamot.