Lihim sa buhay
WALA sigurong tao sa daigdig na walang itinatagong sekreto sa buhay. Maaaring ilan sa mga lihim na ‘yan ang pagtataksil sa asawa o kasintahan o kaibigan, pagwawaldas sa pera ng ibang tao, pagnanakaw o pandurukot, pagiging marahas, panloloko o panlilinlang, pananakit sa kapwa, paggawa ng anumang krimen, mga kalokohan noong panahon ng kanilang kabataan, at iba pang maliliit at malalaking pangyayari.
Merong mga teorya na nakakasama sa kalusugan ng isang tao ang patuloy na pagkikimkim sa sarili ng anumang mga lihim niya sa buhay. Karaniwan umanong ang mga ganitong tao ay nagiging malungkutin, mainitin ang ulo, malituhin, nag-iisip nang malalim, dinadapuan ng iba’t ibang sakit at natututong magsinungaling. Malimit din na may mga taong nilulunod ang kanilang mga lihim sa usok ng sigarilyo at espiritu ng alak na masama sa baga, puso, atay at iba pang bahagi ng katawan.
May mga obserbasyon naman na nakakabuti sa pakiramdam ang may sinasabihan ka hinggil sa mga problema o mga lihim sa buhay. Nakagiginhawa sa pakiramdam na pinapakawalan mo ang anumang mabigat na bagaheng dinadala sa dibdib. Nakakapagpahupa rin ng damdamin na may sinasabihan ka hinggil sa galit mo sa ibang tao. Merong nagbabago ng isip laban sa kaaway matapos maihinga ang nararamdaman sa ibang tao.
Gayunman, dahil nga wala pang gaanong siyentipikong pag-aaral sa epekto sa kalusugan ng tao ang pagkikimkim ng lihim, sinubukan itong pag-eksperimentuhan ng psychologist na si Anita Kelly, professor sa University of Notre Dame, Indiana, US. Sinubukan niya at ng isang kasamahan na magsagawa ng survey sa 100 malulusog na tao. Lumitaw na tatlo sa bawat apat na malulusog na tao ang may itinatagong lihim sa kanilang mga kaibigan at pamilya. Ilan dito ay nagsasabing ilang araw pa lang nilang iniingatan ang lihim. Meron namang ang lihim ay tumatagal nang ilang buwan bago nila ito isiwalat sa iba. Ang iba pa sa mga tinanong ay mahigit nang anim na taong nagkimkim ng kanilang lihim. Hindi pa nga lang matukoy kung paano nananatiling malusog ang mga sinaklaw ng survey sa kabila ng kani-kanilang mga lihim na nakatago sa mahabang panahon. Puwedeng sabihing nasa pagdadala lang iyan ng lihim. Nasa nagdadala rin siguro iyan kung paano nila panghahawakan ang pagtatago sa kanilang mga lihim na hindi masisira ang kanilang kalusugan.
- Latest