Sec. Roxas, paigtingin mo ang kampanya laban sa VK!

HINDI rin pala matatawag na “untouchable” ang video karera (VK) operations ng mag-asawang Romy at Tina Gutierrez sa Maynila. Kasi nga sinalakay ng Intelligence Group (IG) ang mga puwesto ng mag-asawang Gutierrez at 12 makina nila, na may sticker na “Gutierrez”, ang nakumpiska. Kaya tama lang ang puna ni Dir. Cipriano Querol Jr., hepe ng Directorate for Intelligence (DI) ng PNP na kaya hindi magalaw-galaw ng MPD at CIDG Field Office sa Maynila ang mga makina ng Gutierrez couple dahil “patong” ang mga hepe nila sa mag-asawa. Ang ibig sabihin ni Querol mga kosa, may tinatanggap na weekly intelihensiya sina Chief Insp. Carlo Manuel, hepe ng CIDG Field Office sa Manila at dating MPD director Chief Supt. Alex Gutietrez sa illegal activities ng mag-asawang Gutierrez? Anong say n’yo mga kosa? Kung sabagay, hindi lang sa Maynila umaatake ang IG kundi maging sa Cainta, Rizal kung saan limang makina ang nakumpiska sa operator na si alyas Junie at pito naman ang sa Las Piñas City na ang operator ay si alyas Briggette del Mundo na taga-Cainta, Rizal din. Pero, tulad ng Gutierrez couple, tuloy din naman ang operation nina Junie at Del Mundo, ayon sa mga kosa ko sa mga nasabing lugar.

Dapat lang sigurong puksain ng tropa ni Querol ang mga makina dahil salot ito at sinisira ang kinabukasan ng kabataan. Kahit nahulihan man itong Gutierrez couple, tiyak marami silang pamalit dahil aabot sa libo ang makina nilang nakalatag sa Kamaynilaan. Hindi nila papansinin ang 12 makina na nawala sa kanila. Alam ng PNP na ang VK ang paboritong libangan ng mga adik. Kapag may nakalatag na VK sa isang lugar, tiyak mayroon ding drug pusher doon. Kaya nagtataka lang ako kung bakit pinapayagan ng mga barangay chairman ang VK sa kanilang hurisdiksyon e maliwanag pa sa sikat ng araw na sila din ang tatamaan ng problemang dulot nito. Samantalang kapag walang makina sa isang lugar, tiyak tahimik ito. Get’s n’yo mga kosa? Kaya ang panawagan ko kay DILG Sec. Mar Roxas ay paigtingin niya ang kampanya laban sa VK at hindi lang sa numbers game.

Dapat ang battlecry in Roxas ay walisin ang kalye ng VK, lalo na ang sa Gutierrez couple!

Medyo umani naman ng papuri si Manila Mayor Alfredo Lim dahil sa pagkapili niya kay Sr. Supt. Robert Po bilang Officer -in- Charge (OIC) ng MPD. Si Po, sagradong bata ng yumaong kumpare ko na si dating Sen. Robert Barbers, ay nakasama ni Lim sa NBI at DILG. Kaya nasa mabu-ting kamay si Lim sa pakikipagtunggali niya kay Erap Estrada sa pagka-mayor ng Manila. At kung tungkol sa pagdisiplina ng pulis at iba pang trabaho, maasahan ni Lim si Po na isang disciplinarian at no-nonsense police officer. He-he-he! Galing ng endorso ko ‘no mga kosa? Pero hindi ko aasahan si Po na babanggain ang VK operations ng Gutierrez couple dahil bilang OIC, limitado lang ang kilos niya. Sa panahon kasi ngayon ng election, magiging source ng pondo ng kampo ni Lim ang video karera ng Gutierrez couple at iba pang pasugalan sa Maynila, di ba mga kosa? Maraming pagbabago tiyak sa MPD sa liderato ni Po. May karugtong!

 

Show comments