NABALOT ng takot ang mga taong namimili sa isang palengke sa China makaraang matagpuan ang isang bomba sa loob ng isang 3 feet na pusit. Ang nakadiskubre sa bomba ay isang mag-iisda o tindero ng isda. Hinihiwa niya ang pusit para sa isang kustomer nang biglang lumantad mula sa loob ang isang bomba na may sukat na 8 inches. Nagkagulo ang mga tao nang malaman na may bomba. Napigil lamang ang pagpa-panic nang dumating ang bomb disposal expert at pinasabog sa isang lugar ang bomba.
Ang pusit ay nahuli umano sa karagatan ng Guangdong province. Makaraang mahuli, agad dinala sa palengke ng Jiaoling at binenta sa mga mag-iisda. Ang mag-iisda na si Mr. Huang ang nakapakyaw ng pusit. Noong una, nagtaka na si Huang sa itsura ng pusit dahil malaki ang bahaging tiyan nito.
Nang hiwain ni Huang ang pusit, nakita niya ang bomba. Hindi siya makapaniwala. Paano nagkaroon ng bomba sa pusit?
Teorya ng mga awtoridad, nakain ng pusit ang bomba. Maaaring ibinagsak ng military airplane ang bomba at na-siyut naman sa pinamumugaran ng mga pusit.
Posible rin umanong tinangay sa dalampasigan ang bomba at doon ito nakita at kinain ng pusit. Ang mga pusit ay nakakarating sa dalampasigan dahil sa paghahanap ng pagkain. Napagkamalan niyang pagkain ang bomba at nilulon kara-karaka.