MARAMING kadahilanan kung bakit naging patok ang pagmamay-ari ng motorsiklo sa bansa.
Kumpara kasi sa ibang mga sasakyan, motorsiklo ang itinuturing na pinaka-praktikal kung pag-uusapan ang presyo, maintenance, gasolina at ang paglusot sa traffic na araw-araw na nararanasan nating mga Pinoy.
Naging higit na mahigpit din ang kinauukulan sa pagbabawal sa mga motorista mula nang maisabatas ang Republic Act 10054 o mas kilala bilang “Helmet Lawâ€.
Isang video ang ipinadala ng aming tipster hinggil sa malalakas na loob na mga motoristang bumibiyahe ng walang suot na helmet.
Dalawang motor ang nakuhanan niyang binabaybay ang kalsada ng Mindanao Avenue, bandang alas-9 ng gabi.
Hindi lamang ang pagbibiyahe ng walang helmet ang ikinabahala ng tipster kundi dahil delikado ang pagkakaupo ng mga batang naka-angkas dito.
Ang nakapagtataka, hindi man lamang magawang sitahin ng traffic enforcer na kasalukuyan noong naka-poste sa lugar na iyon ang mga bumibiyaheng motorsiklo.
Kaya’t panawagan ng BITAG sa mga itinalagang traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority, kilos pronto! Huwag ninyong balewalain ang mga nakikitang paglabag sa batas na mismong kayo din dapat ang nagpapatupad!
Manood at makinig sa BITAG Live sa Aksiyon TV Channel 41 at Radyo5 - 92.3fm, araw-araw, 10am-11am; Pinoy U.S. Cops – Ride Along at BITAG tuwing Sabado sa PTV Channel 4, 8:30pm - 9:00pm at 9:15pm - 10:00pm.