^

Punto Mo

Buong UP imbestigahan

KWENTONG PALASYO LARGABISTO - Ely Saludar - Pang-masa

HINDI lang dapat na matuon ang pansin sa University of the Phi­lippines-Manila kaugnay ng sinasabing pagpapakamatay ng isang estudyante nito dahil sa problema sa bayarin sa matrikula. Panahon na upang linawin kung ang UP ba talaga ay para sa mga mahihirap o ma-yayamang estudyante at kung sino ang prayoridad na makapag-aral dito. May ipinatutupad na socialized tuition scheme ang UP kung saan ay ibinabatay ang pagbabayad ng matrikula sa kalagayang pinansiyal ng pamilya ng estudyante hinggil sa kakayahan ng mga ito.

Pero ang tanong ay sino bang mga estudyante ang prayoridad sa UP. Sa UP-Diliman, makikita kung gaano karaming mga estudyante ang mayayaman at de kotse pa bagamat mayroon namang mga mahihirap na estudyante.

Dapat linawin at ilantad ng pamunuan ng UP kung ilang porsi-yento ba ang kanilang mga naka-enrol na estudyante mula sa mahihirap at mga mayayaman. Marami kasi ang nagdududa na sadyang nililiitan ang quota sa UP-Diliman dahil inirereserba ito sa mga estudyanteng mula sa pamilya ng  mayayaman at maimpluwensiya sa lipunan. Kung sobrang talino ang estudyante, itatapon sa mas malayo tulad sa UP-Los Banos o UP-Baguio.

Batay sa socialized tuition scheme ng UP ay P 1,500 per unit ang bracket A na aabot hanggang bracket E na walang babayaran. Pero kung ang estudyante ay mula sa pamilya ng mayayaman at pulitiko, napaka-mura ang P1,500 per unit na dapat sana ay huwag na silang tanggapin at hayaan na lang sa mga pribadong unibersidad.

Panahon na upang ilantad sa publiko kung ilang porsiyento ang nakakapag-aral sa UP mula sa mayayamang pamilya  at kung ilan naman ang mula sa mahihirap na pamilya.

Hangga’t maari, magkaroon ng limitasyon sa mga mayayaman. Halimbawa magtakda lang ng 10 porsiyento sa kabuuang populasyon ng unibersidad ang puwedeng makapasok na estudyante mula sa mayayaman at maimpluwensiya o may kakayanan na makapagbayad ng matrikula sa ilalim ng bracket A.

Samantala, mayroon bang mga anak ng pulitiko na napapatapon sa UP-LB o UP-Baguio? O nagsisiksikan lahat sa Diliman?

Natalakay ko ang isyung ito dahil sa pagpapakamatay ng UP-Manila student na si Kristel Pilar Mariz Tejada na nagkaroon umano ng problema sa pagbabayad ng tuition. Batay sa mga report ay pinuwersa raw ito na mag-leave of absence muna ng pag aaral habang hindi pa nakapagbabayad ng utang sa kabila ng pagmamakaawa ng mga magulang nito sa pamunuan ng UP-Manila.

Ngayong patay na si Kristel, sari-saring tulong ang iniaalok ng pamunuan ng UP- Manila. Handa raw silang magbigay ng financial assistance sa pamilya ni Tejada at iba pang suporta.

“Aanhin pa ang damo kung patay na ang kabayo?” Ito tumpak na tanong ngayon. Kung pinagbigyan lang ng UP-Manila ang pakiusap ni Kristel hinggil sa utang sa matrikula, siguro buhay pa ito.

Magbukas sana ang pangyayaring ito sa mas malawakang imbestigasyon para maitama ang sistema sa ikabubuti ng lahat lalo na ang mga mahihirap na estudyante na itinuturing na mga “iskolar ng bayan”.

BATAY

DILIMAN

ESTUDYANTE

KRISTEL

KRISTEL PILAR MARIZ TEJADA

KUNG

LOS BANOS

PANAHON

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with