NOONG Marso 7, nagdalawang taong gulang na ang anak ko. Nga-yong malaki-laki na siya, nagsasalita na at nasasabi na ang gusto niyang kainin, gawin; kung mabaho o mabango ang paligid at naaamoy niya, parang lumipas lang ang mga araw, ang 365 days x 2 ng ganun ganun lang. Aba eh nag-aaral na nga pala siya. Ngayong binabalikan ko ang mga alaala ko noong kalalabas pa lamang ni Gummy sa mundong ito, napagtanto ko ang mga sumusunod na bagay:
Napaka makapangyarihan ng mga ina, at mga babae in general. Sabi nga sa Bibliya di ba, nilikha ng Diyos ang babae dahil hindi mabubuhay si Adan nang mag-isa, dahil may kulang. Ang mga babae, ang mga ina ang kumukumpleto sa buhay ng anak. Kahit na walang ama, kaya ng babae na mapalaki ang kanyang iniluwal sa mundong ito.
May kakaibang hindi maipaliwanag na “power†ang mga babae. Bilang pagpapaliwanag, isipin mo kung may rambol at bugbugan ang mga lalaki at nakasali ang iyong kapatid na lalaki. Siyempre maraming aawat at makikisuntok na iba pang mga lalaki, hindi ba? Subukan mong ikaw na babae ang humarang sa kapatid mo. Makita mo at walang hahamak na pagbuhatan ka ng kamay. Walang lalaking nananakit ng babae. Kung mayroon man ay hindi mga lalaki ang mga iyon. Kayo na ang humusga. Pero nakukuha n’yo ba ang nais kong sabihin? May “power†tayong mga kababaihan.
Walang katulad ang pagmamahal ng isang ina. Ang pag-aaruga at pagmamalasakit. Hindi ko sinasabing hindi ito kayang ibigay ng mga ama dahil may mga single dads din sa ating lipunan. Pero siyempre iba ang bigkis ng bata sa ina nito. Ang giver of life, na simula sa sinapupunan hanggang sa mag-aral, magtapos at magtrabaho at magkaroon ng sariling pamilya ang mga anak, hindi pa rin natatapos ang papel ng mga ina. Ito ang malinaw na ipinakita sa akin ng aking nanay at lola. Hangga’t buhay sila, hangga’t humihinga, hindi matatapos at hindi mapuputol ang pagtingin sa kalagayan at paggabay sa mga anak.
Ang essence ng babae ay nasa pagiging ina. Hindi ba’t ang isa sa pinakamahirap na tanong sa beauty pageants ay: “What is the essence of being a woman?†Nasagot ko ito nang ako ay magkaroon ng Gummy. Kapag nanay ka na, madarama mo kung ano ang iyong purpose sa mundong ito. At madarama mo ang pagiging kumpleto ng pagiging ganap na babae kapag naging isang ina. Para bang ang mga dapat mong gawin ay nakatanim na sa iyo.
Hindi lamang ang aking sarili, bilang isang ina, at ang aking nanay at lola ang inaangat ko sa araw na ito kundi lahat nang kababaihan, lalo’t ngayong Marso ay Women’s month. Happy Monday sa aking mga mare!
Sundan ako! Twitter: @abettinnacarlos Instagram: @abettinnacarlos