Lampong(238)

“BAWAL ang baril. Baka makasuhan si Jinky ng illegal possession of firearms,” sabi ni Dick nang malaman na isang baril ang binili ni Jinky sa lalaking pinuntahan nito.

“Alam po ni Mam Jinky na maari siyang kasuhan pero saka na raw niya problemahin iyon. Ang kailangan daw ay mayroon siyang armas na pangdepensa sa sarili. Kasi po, masama talaga ang napi-feel niya kina Pac at Momong. Parang may gagawin ang mga ito kay Mam Jinky. Ang nasa isip po ni Mam ay papasok dito sa bahay ang mga walanghiya. Kaya nga hindi na raw niya aalisin sa baywang ang baril. Puputukan daw niya ang dalawa kapag nagpumilit pumasok.’’

“Talagang malakas ang loob ni Jinky ano Tina?”

“Opo. Sabi naman niya, sanay na sanay siya sa kalibre 45. Shooting po pala ang kanyang P.E. noong nasa college. At talaga raw pong nakahawak na siya ng 45 kaya kabisado niyang gamitin. Tig-isang bala lang daw ang katapat ng mga magtatangka sa amin…”

‘‘Nakakahanga ang katapa-ngan ni Jinky. Malayung-malayo noong nasa Maynila pa siya. Hindi ako makapaniwala na ang dating babae na walang direksiyon sa buhay ay magiging responsible.’’

Sumang-ayon si Tina sa mga sinabi ni Dick.

“Talagang nakatitiyak na si Jinky na maaaring pumasok dito sina Pac at Momong.”

‘‘Opo. Nagbanta po kasi. At halata ni Mam Jinky na tototohanin nito ang sinabi. Isa pa pong sinabi ni Mam ay ang hindi maganda raw na pagkakatingin sa kanya ni Pac noong gabing magtungo rito…’’

“Bakit anong tingin ni Pac kay Jinky?”

“Para raw po siyang hinuhubaran sa tingin. Para raw nagnanasa sa katawan niya si Pac. Tapos nalaman din ni Mam Jinky na ilan na palang tauhang babae nito sa kuhulan ang pinagnasaan ni Pac. Yung magaganda niyang tauhan ay pinagpaparausan…”

Shock si Dick. Kaya pala ganoon na lamang ang paghahanda ni Jinky para maipagtanggol ang sarili.

“Mayroon na pong naka-handang plano si Mam in case nga na pasukin kami rito nina Pac at Momong…hindi raw siya basta-basta mauunahan ng dalawa.”

“Nakahanda pala talaga. Sige, nakabantay lang ako sa inyo rito. Sabihan mo lang ako, Tina.”

“Opo Sir Dick. Kapag po may pupuntahan si Mam Jinky ay ipaaalam ko sa’yo para masubaybayan mo. Mabuti na rin po na may guwardiya si Mam Jinky.”

“Sige Tina. Sabihin mo lang sa akin kung may pupuntahan si Jinky para susundan ko siya.”

“Okey po Sir Dick.”

Lumabas na ng kuwarto si Tina.

Kinabukasan, nakasubaybay si Dick kay Jinky. Nakasilip siya lagi sa siwang ng pinto.

Napansin niya na nakasukbit lagi ang baril sa likuran ni Jinky. Nakahanda talaga ito.

(Itutuloy)

 

Show comments