KARAMIHAN sa atin, natuto nang maging dependent sa internet mula nang lumawak ang kaalaman ng tao sa makabagong teknolohiyang ito. Kaya naman hindi na nakapagtataka kung bakit kung minsan, naghahanap na rin ang ilan ng kani-kanilang kasintahan o makakasama sa buhay.
Patok ang mga online dating websites at maging sa mga social networking websites ang ligawan at pakikipag-relasyon kahit hindi pa nakikilala sa personal ang natitipuhan.
Pero paalala ng BITAG sa lahat, kuwidaw sa mga nakikilaÂlang estranghero sa pamamagitan ng pakikipag-chat at palitan ng mensahe online. Palaruan na para sa mga kawatan ang mga websites na ito sa internet dahil sa madaling magkubli ng tunay na identidad ang sinuman.
Dahil sa desperasyong makahanap ng kanilang tunay na pag-ibig, sa huli, nasisimot lamang ang mga bulsa at pitaka ng mga pobreng biktima. Modus kasi ng mga kawatang ito na makapanghuthot ng pera matapos paniwalain at paikutin ang mga biktima sa kanilang mga matatamis na salita. Ang suspek sa ganitong uri ng panlilinlang, kapwa Pinoy din na nagpapanggap lamang na mga foreigner.
May ilang beses na ring naka-engkuwentro ang BITAG ng mga kasong katulad nito subalit dahil ganoon lamang din kadali para sa mga lover boys na burahin ang kanilang identidad sa internet, tuluyan nang hindi nareresolba ang reklamo. Payo ng BITAG sa lahat na mag-isip bago gumawa ng anumang desisyon na may kinalaman sa paglalabas ng pera lalo na sa hindi kakilala.
Subaybayan ang BITAG Live sa Aksiyon TV Channel 41 at Radyo 5 92.3fm, araw-araw, 10:00 a.m.-11:00 a.m.; Pinoy U.S. Cops-Ride Along at BITAG tuwing Sabado sa PTV Channel 4, 8:30 p.m. - 9:00 p.m. at 9:15 p.m, – 10:00 p.m.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa bahalasitulfo@hotmail.com o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City tuwing araw ng Miyerkules, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.