Lampong (206)

M ATAGAL na tini­tigan ni Dick ang babaing bumibili ng isda sa di-kalayuan. Gusto niyang makasiguro kung talagang si Jinky ang nakita niya. Naka-pantalong maong at jacket ang babae. Mahaba ang buhok. Naging kayumanggi at sa tingin niya ay matured. Malayo sa itsura noong nasa Maynila. Pero sa tingin niya, seryoso at responsible na ito. Nawala na ang pa-easy-easy sa buhay na katulad noon. Pero maganda pa rin at ma­lakas ang pang-akit.

Bumilis ang tibok ng puso ni Dick. Na-miss niya si Jinky. Ano kaya at mag­pakita na siya rito. Gusto na niyang ma­kausap si Jinky.

Pero sa huling sandali, napag-isip niya na kailangang masubaybayan muna niya si Jinky. Kung magpapakita agad siya rito mawawala na ang kasabikan. Hayaan muna niya ito. Magmamanman muna siya. Hindi muna siya magpapakita rito. Kapag marami na siyang nalaman ukol dito ay saka siya lalantad. Maaari naman siyang magtagal dito sa Mindoro sapagkat nagpaalam siya sa kanilang boss. Hindi naman siya mahihirapan kung sakali sa pagsubaybay kay Jinky sapagkat maaari niyang hi­ngiin ang tulong ni Pareng Anton niya. Sabi ni Anton, basta kailangan ang tulong niya, huwag mag-aatu­biling magsabi.

Ganoon nga ang ga­gawin niya. Susundan muna niya si Jinky.

Nakita niya na matapos bumili ng isda si Jinky ay nagtungo ito sa tindahan ng mga asin, asukal, patis, toyo, bawang at iba pang pangsahog. Ang bag na dala ni Jinky ay marami nang laman at halos mahirapan na ito sa pagbitbit.

Pagkatapos niyon ay lumabas na si Jinky sa palengke. Nakabuntot pa rin si Dick. Hindi siya gaanong lumalapit at baka makahalata.

Nagtungo sa isang bakery si Jinky at bumili nang maraming tinapay. Matapos iyon ay nagtungo sa paradahan ng traysikel. Sumakay ito. Umalis ang traysikel.

Mabilis ang pasya ni Dick. Susundan niya si  Jinky.

Tumawag siya ng traysikel at pinasundan ang kinasasakyan ni Jinky.

(Itutuloy)

Show comments