Magnanakaw sa gas station,umiyak nang makorner ng gasoline boy

ISANG maskaradong lalaki na armado ng patalim ang pumasok sa store ng isang gasoline station sa Oldenberg, Germany.

Hawak ang patalim, inutusan ng lalaki ang gas station attendant na ibigay lahat ang pera na kinita ng gasolinahan at store.

Subalit hindi nasindak ang 20-year old na lalaking gas station attendant na nakilalang si Robert B.

Agad nitong naisara ang pintuan ng store, pinindot ang alarm at  kinuha ang baseball bat na nasa kabilang room. Hinarap niya ang maskaradong magnanakaw. Nagpormahan sila. Nagpambuno.

Natalo ni Robert ang magnanakaw at hahampasin na niya sa ulo ng bat nang bigla itong umiyak at nagmakaawa.

“Huwag mo akong paluin. Pakawalan mo ako. Mayroon akong asawa at mga anak!” sabi ng magnanakaw na ang luha ay umaagos sa pisngi.

Nabagbag ang kalooban ni Robert sa pag-iyak at pagmamakaawa ng magnanakaw. Pinayapa niya ang lalaki at pinatigil sa pag-iyak. Binigyan pa niya ng tissue para pahirin ang luha.

Nang dumating ang mga pulis, inaresto nila ang magnanakaw na iyakin.

Makaraan ang ilang araw kinumpirma ng mga pulis na kaya na­isipang magnakaw ng lalaki ay para may maibili ng illegal drugs. Maaaring mabilanggo ang lalaki sa ginawa.

Show comments