BAGO umalis si Dick sa bahay ni Anton at nagtungo sa Socorro ay kinuha nito ang kanyang cell numberÂ. Mabuti na raw na alam ni Anton ang number ni Dick para kung anuman ang mangyari ay maÂdaling matatawagan at matutuÂlungan. Nagpasalamat si Dick sa kaibigan. Hindi siya nagkamali sa pakikipagkilala kay Anton.
Mula Pinamalayan ay nagtraysikel lang si Dick. Gusto siyang ihatid ni Anton pero si Dick na ang tumanggi. Nakakahiya naman kay Anton na noon ay abala sa hardware store. Isa pa gusto niyang mapag-aralan ang pagtungo sa Socorro nang nag-iisa. At saka isa pa, malapit lang naman ang pagtungo sa Socorro.
Nang makarating siya sa Socorro, una niyang hinanap ang public market. Iyon ang bilin sa kanya ni Anton. Tiyak daw na sa palengkeng ito namimili si Jinky. Wala raw ibang palengke sa lugar na ito kaya dito lahat nagtutungo ang mga tao.
Marami nang tao sa palengke. Sa labas ng palengke ay maraming nagtitinda. Sari-sari ang tinda: gulay, prutas, manok na buhay, kamote, balinghoy at kung anu-ano pa. Tiyangge yata ngayon kaya maraming tao.
Pumasok siya sa loob. NakiÂpagsiksikan siya. MaÂraming namimili. Dumako siya sa mga tindahan ng asukal, asin, betsin at iba pa. Ang mga ito ang laging binibili at maaaring madako rito si Jinky. Tumayo siya sa hindi mababangga ng mga tao. Tinalasan niya ang mga mata.
Pero may kalahating oras na siya ay walang nakitang Jinky.
Dumako siya sa tinÂdahan ng mga gulay at prutas. Tumambay siya roon. Pero wala rin.
Dumako siya sa bigasan at iba pang butil. Wala rin.
Ipinasya niyang bumalik sa pinanggalingan at bakasakaling makita si Jinky. Wala rin.
Ipinasyang pumunta sa karnehan. Baka-sakaling narito. Pero wala rin.
Dumako siya sa isdaan. Pawang mga tilapia ang nakita niyang tinda. Marami ring namimili. Tumambay siya sa tapat ng isang tindahan.
Pagtingin niya sa di-kalayuan, isang babae ang nakita niya. Si Jinky!
(Itutuloy)