Dahil nagbago na takbo ng panahon
Saan ba patungo buhay natin ngayon?
Dati’y maligaya mga tao noon –
Ngayon ay iba na ang nais at misyon!
Dati-rati naman itong sambayanan
Hindi naghihirap saanman mabuhay;
Subali’t sa ngayon ating namamasdan
Saan man tumira’y walang hanapbuhay!
Mayaman at dukha ating nakikita
Ay nag-uunahang humanap ng pera;
Itong mayayaman siyang duhapang pa
At ang mahihirap lalong nagdurusa!
Bakit nga ganito ang takbo ng buhay
Waring sinusubok ating katatagan?
Di naman ganito ang buhay nu’ng araw
Pagka’t lahat noon sagana saanman!