KAPAG may nangyaring nakawan, holdapan at patayan sa loob ng shopping mall at iba pang establisemento, kapansin-pansin ang isasagawang paghihigpit ng mga guwardiya. Bawat bag, supot at kung anu-ano pang abubot ay sasaliksikin ng mga guwardiya. Kapkap dito, kapkap doon. Humahaba ang pila dahil sa pagkapkap at pag-iinspeksiyon sa bawat taong papasok sa mall o establisimento. Sinisiguro ng mga guwardiya na walang maipapasok na baril, patalim o pampasabog sa loob.
Pero makalipas lamang ang ilang araw, ang paghihigpit ay unti-unti na namang lumalamya. Hanggang sa bumalik sa dati. Kampante na naman ang mga guwardiya at nawala na ang paghihigpit. Magpapakita na lamang uli ng paghihigpit kapag may nangyari na namang holdapan, patayan o nakawan sa binabantayang establisimento.
Ganito ang senaryo ngayon sa mga shopping mall makaraang pagnakawan ng umano’y Ben Panday gang ang SM Megamall noong Sabado ng gabi. Nakapasok ang grupo sa mall na hindi nakapkap ang baril na isiniksik sa pundilyo ng pantalon. Nang makapasok, bumili ng liyabe tubo ang grupo sa hardware store at binasag ang eskaparate ng isang jewelry store. Kinuha ang mga alahas. Bago nakalabas ng mall, nagpaputok pa ang grupo para takutin ang shoppers. Nakatakas ang grupo, tangay ang mga alahas.
Para naman hindi mabuntunan ng sisi ang PNP, agad silang nagsagawa ng pag-inspeksiyon sa isang mall sa Quezon City at nilektyuran ang mga guwardiya. Tinuruan kung paano kakapkap at magrerekisa.
Ganito naman lagi. Pagkatapos ng pagsalakay, maghihigpit at kapag lumamig na ang isyu, balik sa pagluluwag.
Bakit ba hindi panatilihin ang regular na paghi-higpit sa araw-araw para hindi masingitan o malusutan ng mga masasamang loob?