HINDI akalain ng 90-anyos na lalaki sa Jizan, Saudi Arabia na mauuwi sa wala ang mga ginawa niyang pagsisikap para lamang mapangasawa ang 15-anyos na babae sa kanilang lugar. Maayos naman ang kanilang usapan ng mga magulang ng babae. Nag-offer siya ng 65,000 Riyals na dowry sa ama ng babae. Pumayag ang ama.
Idinaos ang kasal ng 90-anyos at 15-anyos. Naging maayos at masagana ang handaan. Tuwang-tuwa ang lalaki sapagkat sa wakas ay naging asawa na ang 15-anyos.
Pero ganoon na lamang ang panlulumo ng lalaki sapagkat sa oras ng kanilang honeymoon ay isinara ng babae ang kanilang kuwarto. Kumatok ang lalaki. Pero ayaw buksan ng babae. Para bang takot na takot ito sa kanyang asawa. Kahit na anong pakiusap ng lalaki sa asawa ay ayaw pakinggan. Hindi nito binuksan ang pinto.
Kinabukasan, pinuntahan ng lalaki ang mga magulang ng babae. Sinabi niya ang problema. Nagtungo ang mga magulang sa bahay ng bagong kasal.
Pero ang labis na ipinagtaka ng lalaki ay ipinagsama pauwi ng mga magulang ang kanyang batambatang asawa. At ayaw nang makipag-usap ang mga ito sa kanya. Sa halip na pilitin ito na bu-malik sa bahay nila ay tila ayaw nang ibigay sa kanya ang asawa. Nakiusap siya pero hindi na siya kinakausap.
Inireklamo na niya sa korte ang problema. Nag-demand siya na kung hindi babalik ang asawa, ibalik na lang ng mga magulang nito ang 65,000 Riyals na binigay niya bilang dowry.
Makaraan ang isang buwan, nagpasya ang Saudi court. Inutusan ang mga magulang ng babae na ibalik ang dowry.
Pero sabi ng mga magulang ng babae, hindi na maibabalik ang dowry sapagkat nagastos na ito.
Lumung-lumo ang lalaki sa nangyari. Naniniwala siya na niloko siya ng mga magulang ng babae. Nagkutsabahan ang mga ito para lamang makuwartahan siya.