Editoryal - Dapat mayroong firecracker zones
KUNG mayroong isang lugar na nakalaan para pagdausan ng pagpapaputok, tiyak na mababawasan ang mapuputulan ng daliri, kamay, mabubulag at masusunog ang mukha. Pero malabong magkaroon dahil walang pakialam ang local government units (LGUs) sa mga nasusugatan dahil sa paputok. Dedma ang mga governor, mayor at iba pang local officials na lumikha ng firecracker zones.
Taun-taon o tuwing sasapit ang New Year, malaki ang nagagastos ng gobyerno sa mga ginagamot sa ospital. At sa kabila na marami nang naputulan ng daliri at nabulag, marami pa rin ang hindi nagkakaroon ng leksiyon. Wala pa ring kadala-dala.
Paulit-ulit ang payo ng BFP sa local government units (LGUs) pero wala pa ring pagkilos ang mga mayor at governor para magtayo ng firecrackers zones. Tila ba wala nang naiisip ang mga LGUs para sa kapakanan o kaligtasan ng mamamayan.
Bukod sa pagkakasugat, kabi-kabila rin ang nangyayaring sunog na ang dahilan ay ang mga sinindihang paputok. Ang mga walang disiplina sa pagpapaputok ay hagis na lamang nang hagis ng paputok at ito ang dahilan kaya may sunog. Ang nangyaring sunog sa Quezon City noong Pasko na ikinamatay ng pitong katao ay sinasabing dahil sa sky lantern.
Pakinggan sana ng LGUs ang payo ng BFP ukol sa paglikha ng isang lugar na pagdarausan ng paputok at mga pailaw. Ang firecracker zones ay magiging atraksiyon din sa mga turista at maaaring kumita ang bansa sa kanilang pagdagsa. Pag-isipan sana ito ng mayor at governor.
- Latest