TAHIMIK na iniluha ni Lucy ang sama ng kanyang loob dulot ng isang napakalaking problema. Tatlong taon ang nakakaraan ay inatake sa puso ang kanyang asawa. Naging baldado ito kaya hindi na nakabalik sa trabaho. Ganoon na rin katagal hindi sila nakakapagbayad sa monthly amortization ng kanilang hinuhulugang bahay at lote.
Noong isang linggo ay nakatanggap siya ng sulat mula sa Legal Department ng National Home Mortgage at ipinaaalam na kailangan na nilang magbayad ng kaukulang halaga upang hindi na umabot pa sa puntong bawiin ng nasabing ahensiya ang bahay na ipinundar nila at sila ay tuluyang mapalayas sa bahay na tinitirhan.
Isang gabi ay naisipan ni Lucy dasalin nang paulit-ulit ang Psalm 23. Kahit singko ay wala silang pambayad pero punung-puno siya ng paniniwala na tutulungan siya ng Diyos. Hindi niya tinigilan ang pagdadasal hangga’t hindi siya napapagod. Inunawa niya ang bawat salita sa Psalm 23. Kung saan ipinauubaya na niya sa Diyos ang lahat ng mangyayari sa kanilang mag-anak. Alam ng Pastol kung ano ang mabuti para sa kanyang mga tupa…
Kinabukasan ay nag-text ang ate ni Lucy mula sa Canada. May ipinadala raw itong pera at i-check na lang sa banko. Hindi alam ni Lucy na isa sa kanyang mga anak ay nag-text sa kanyang ate at sinabi ang kanilang problema. Hayun, mabilis pa sa kidlat na dumating ang tulong. Napahagulgol nang iyak si Lucy.