‘Apat nakasukob sa isa’
SA laki ng aming layuning makatulong sa ating mga kababayang biktima ng krimen at karahasan… unti-unting lumaki ang aming pamilya sa radyo.
Sa “CALVENTO FILES” sa DWIZ882 KHZ, ang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” hindi lang isang beses dadaan ang Pasko. Araw-araw ang aming pagbibigay tulong sa mga taong hindi sumusukong makamtan ang hustisya. Kami’y kaagapay nila upang maipaglaban ang kanilang mga karapatan. Katulong namin dito ang mga sangay ng gobyerno at mga abogado na walang sawa sa pag-aasikaso sa mga lumalapit sa amin tungkol sa kanilang mga problemang ligal. Masinsinan naming inaalam ang mga posibleng aksyon na naaayon sa ating Saligang Batas. Hindi lamang kami humihinto sa pagdinig sa kanilang mga reklamo sa halip tinututukan pa ito hangga’t magkaroon ng solusyon.
Mapapakinggan ninyo ang programang “HUSTISYA PARA SA LAHAT” mula Lunes hanggang Biyernes (3:00-4:00 ng hapon) at tuwing Sabado mula 11:00AM-12NN sa DWIZ882 KHZ, AM BAND. Hosted ng inyong likod, kasama ang mga ‘Hustisya Angels’ na sina Monique Cristobal, Aicel Boncay, Pauline Ventura, Carla Calwit at Chen Sarigumba. Bukod sa tulong ligal, ay ang tulong medikal na bukas-palad na ibinibigay ng programang “PUSONG PINOY” sa tulong ng PCSO. Hosted by: Atty. Jose Ferdinand Rojas II o “Atty. Joy”, ang General Manager ng PCSO at Monique Cristobal, kasama si Aicel Boncay. Isang programang tumitingin sa ating mga kababayang may sakit na hindi kayang mabayaran ang mahal na gastusin sa kanilang pagpapagamot.
Sa dalawang taong itinatakbo ng programa, walang patid sa pagbibigay ng libreng wheelchair, pagtulong sa pagpapa-dialysis, pagpapa-chemotherapy, pagbibigay ng gamot kaya’t dagsa ang mga kababayan natin nagpupunta sa tanggapan ng “PUSONG PINOY”. Isang mas maaliwalas na pagharap sa buhay, sapagkat nariyan ang PCSO upang umalalay sa kanila. Mapapakinggan ang pagbabahagi ng mga karanasan ng mga pasyenteng natulungan ng PCSO sa “Pusong Pinoy” tuwing Sabado mula 7:00-8:00 ng umaga sa parehong istasyon.
Mula sa pagbibigay ng tulong sa pagpapagaling sa karamdaman ay ang pagbibigay lunas sa spirituwal na pangangailangan na mapapakinggan sa ating ‘religious program’ na “PARI KO”. Tuwing Linggo mula 9:30-10:30 ng gabi maririnig ang mga makabuluhang pagninilay sa Salita ng Diyos, sa pangunguna nina Fr. Jojo Buanafe at Fr. Jayson Laguerta kasama sina Atty. Joy Rojas II at Bro. Ernie Sanchez, Bro Raymond “Lucky” Acuήa at iba pang mga seminarista ng San Carlos Seminary. Sa programang ito mas pinatitibay ang ating ugnayan sa Diyos at sa kapwa. Ibinubukas ng mga pangaral ang ating kalooban upang mas makilala ang katuruan ng May Likha upang magsilbing gabay sa araw-araw nating pamumuhay.
Mayaman at malawak na pagtalakay tungkol sa buhay mula sa kaalaman sa Ebanghelyo, hanggang sa mga mismong mga katanungang nanggagaling sa mga tagapakinig ang direktang sinasagot at pinaliliwanag ng ating mahuhusay na mga pari. Bukas ang aming linya sa mga katanungan, na personal na sinasagot nina Father Jojo, Father Jayson, Bro. Ernie at ng mga seminarista.
Sa tagal ng aming tanggapan sa linya ng serbisyo-publiko, napuna namin ang patuloy at dami ng mga reklamo kung saan laging biktima ay ang mga kababaihan at kabataan. Iba’t-iba pang uri ng pang-aabuso at pang-aabandona sa mga misis at kanilang anak. Ang larawang ito ang nagbunsod na habaan pa namin ang pag-aabot ng aming mga kamay upang bigyan sila ng tulong.
Nobyembre ng aming inilunsad ang programang “INA”, na nagbibigay boses sa mga kababaihan at kabataan ukol sa kanilang mga karapatan. Mga suliranin sa loob ng tahanan, hindi patas na pagturing at mga kaso ng pang-aabuso ang dinidinig ng programa sa pangunguna ni Ms. Yvette Ocampo at ng kanyang ina na si Mrs. Gloria Ocampo o “Mommy Glo”.
Tumutulong ang programa sa muling pagkakabuo ng mga ina at mga kabataang nakaranas ng kalupitan. Pagbibigay ng mga ‘group counseling’ at pagtuturo ng mga pangkabuhayang gawain. Kabalikat ng programa ang mga miyembro ng “Congressional Spouses Foundation Inc., Binubuo ng mga kabiyak ng mga kongresista sa bansa.
Tampok rin dito ang kwento ng mga ulirang ina na naging matagumpay ang pagganap sa kanilang tungkulin sa tahanan at sa kanilang sarili bilang isang babae. Mga istorya ng pagpupunyagi sa napiling larangan kaalinsabay ng pagtayo bilang ilaw ng tahanan na nakapagbibigay inspirasyon sa nakararami.
Mapapakinggan ang “Ina” tuwing Linggo mula 4:00-5:00 ng hapon sa DWIZ882 KHZ.
APAT na programang nagbaba ng mga balikat sa ating mga kababayan para makapaglingkod, ang lahat ng ito’y nabuo at nagpatutuloy bunga ng inyong pagtitiwala. Inako namin ang responsibilidad para maging tinig sa mga hindi dinidinig. Mula sa maliliit na suliranin na dinudulog ninyo sa amin, ay ang pagturing namin dito bilang malalaking pananagutan na kayo’y agapayan.
Bawat marahang tapik na senyas ninyo, na kayo’y saluhan sa pagkapit sa pag-asa, doon tayo lahat nagsisimula.
Sa isang panibagong taong darating, asahan ninyong hindi mapapatid ang nag-uugnay sa atin—ang paglaban at pagiging maalam sa ating mga karapatan, para sa isang buhay na marangal at tahimik.
Mula sa amin dito sa “Calvento Files” sa radyo, Hustisya Para sa Lahat”… “Pusong Pinoy”, “Pari Ko” at “INA”, kami ay nanalangin ng isang Paskong puno ng pag-ibig, para sa inyong pamilya, sa ating kapwa tao at sa lahat ng tao sa mundo.
Habang kayo’y nandiyan na tinatangkilik kami, patuloy naming pag-iibayuhin ang aming adbokasiya na matulungan kayo na lumalapit sa amin. Maligayang Pasko sa ating lahat! (KINALAP NG REPORTORIAL TEAM NG CALVENTO FILES)
Sa gustong dumulog, ang aming numero 09213263166 (Aicel) /09198972854 (Monique) /09213784392 (Pauline). Ang aming landline, 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Maari rin kayong pumunta sa aming tanggapan sa 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd., Pasig City. Kami ay bukas mula Lunes-Biyernes. (Dalhin niyo ang mga dokumentong may kinalaman sa inyong reklamo).
- Latest