Lampong (151)

NAG-IISIP si Dick kung si Puri ang sumakay sa BMW. Pagkaraan ay siya na rin ang kumontra. Bakit naman sasakay sa BMW si Puri? Masyado nang malikot ang imahinasyon niya para pagbintangan si Puri. Marami lang kamukha si Puri kapag nakatalikod kaya napagkamalan niya. Maraming mahaba ang buhok at marami ang ma­tambok ang puwit. Hindi lamang si Puri ang may mahabang buhok at ma­tambok na puwit.

Pero ipinasya ni Dick na maghintay pa kay Puri. Nasa loob pa si Puri. Iyon ang malakas na bulong ng isip niya.

Pero inabot siya ng 6:30 ng gabi ay walang lumabas na Puri.

Ipinasya niyang umalis na. Tumawag siya ng taxi at nagpahatid sa apartment niya. Pagdating, lambot na lambot siya. Parang magkakasakit siya. Hindi niya maipaliwanag ang nara­ramdaman. Parang bigum­bigo siya.

Hindi na kumain ng hapunan si Dick. Hindi naman siya nagugutom. Natulog na lamang siya.

Nang madaling-araw ay nagising siya. Umihi siya.

Nang bumalik sa higaan ay hindi na siya makatulog. Mailap na ang antok.

Nakatingin lang siya sa kabuuan ng silid niya. Iniisip ang nangyayari sa kanila ni Puri. Bakit nagkaganoon? Saan kaya siya nagkulang?

Nang hindi pa dalawin ng antok ay dinampot ang cell phone. Pinindot ang number ni Puri. Bahala na! Magalit na siya kung magalit. Gigisingin niya sa  walang tigil na ring.

Pero pawang tutot-tutot ang naririnig niya. Ibig sabihin hindi na gumagana ang number ni Puri. Nagpalit na ng number?

Paulit-ulit pa niyang tinawagan. Wala talaga. Anong nangyayari sa babaing iyon?

(Itutuloy)

Show comments