Subukan muna ang RH bill

MAKABUBUTING ires­peto ng mga mambabatas at Katolikong grupo ang pagka­kaapruba sa Reproductive Health (RH) bill.

Iba kapag sertipikado ng presidente bilang urgent bill dahil mabilis na umuusad. Hindi inuupuan ng mga senador at kongresista.

Nagsalita na ang mayoryang senador at kongresista kaya namayani ang pagpapalusot sa RH bill na naging dahilan nang mainitang pagtatalo at pangangampanya ng magkabilang panig. Pero hindi pa naman katapusan ito para sa mga tutol sa RH bill. Ayon kay Senate President Juan Ponce Enrile, mayroon pang bicameral conference committee na kinakailangang pang muling himayin ng mga senador at kongresista upang maipagtugma ang bersiyon ng RH bill.

Puwede pa ring umakyat sa Supreme Court ang mga tutol kung magiging batas na ang RH. Pero makakabuti kung ito ay subukan muna. Kung ikukumpara sa napakaraming panukala na naging batas ay kabaliktaran ang mga nangyari tulad na lang ng iniakda noon ni Enrile na EPIRA Law na magpapababa raw sa singil sa kuryente pero kabaliktaran ang nangyari.

Maganda rin daw ang  deregulasyon sa langis para bumaba ang presyo ng produktong petrolyo pero kabaliktaran din ang nangyari. Nagtaasan pa ang presyo at dikta raw ng world market.

Subukan muna kapag batas ang RH.  Kung ito ay makaka­tulong upang mas mabigyan ng proteksiyon ang mga kababaihan gayundin ang pagpaplano ng pamilya lalo na ang mga mahihirap na mamamayan sa bansa.

Sakaling maging batas, tutukan kung magiging epektibo ito. Tiyakin na ang pondong ilalaan ay pakikinabangan ng mga mahihirap na mamamayan upang mabigyan ng tamang gabay sa pagpaplano ng pamilya. Kung palpak, madali namang ipawalambisa ito tulad ng death penalthy law.

Hindi naman dapat katakutan ng mamamayan ang RH bill sakaling maging batas. Hindi naman makukulong o pagmumultahin ang sinuman kapag hindi gumamit ng condom at iba pang contraceptives.

 Boluntaryo ito. Makabubuting pakinggan ang ibibigay na impormasyon ng gobyerno para sa pagpaplano ng pamilya upang hindi maghirap ang mga bata at buong pamilya.

 

Show comments