‘NASA’ ng ‘Pinas
Panahon na nga bang magkaroon ng space agency ang Pilipinas? Oras na rin ba para magkaroon tayo ng sarili nating astronaut? Meron na nito ang halos lahat ng bansa sa mundo. Bukod sa Amerika, Russia, Europe, United Kingdom, meron na ring ganito ang China, Japan, India, Indonesia, Brazil, Iran, Italy, Canada, Korea, Malaysia, at iba pa. Karamihan sa kanila ay nakapagpadala na ng sarili nilang mga ‘astronaut o “tao” sa orbit o sa kalawakang sakop ng mundo. Ang iba sa kanila ay nakasakay na sa International Space Station.
Tayo na lang ang hindi pa at wala pa tayong matatawag na astronaut na Pilipino bagaman marami na rin tayong mga kababayan na nagtatrabaho sa National Aeronautics and Space Administration at kabilang sa mga tauhan ng Amerika na nagsasagawa ng space exploration tulad ng pagpapadala ng mga robotic spacecraft na sumusuri sa planetang Mars o sa Buwan o iba pang planeta.
Sana nga ay magtagumpay ang lokal na space movement na inilunsad nitong nagdaang Biyernes ng isang grupo ng mga scientist at astronomer na Pilipino. Hinihimok nila ang Kongreso na lumikha ng isang institusyon o ahensiyang tatawaging Philippine Space Agency para makaagapay ang Pilipinas sa tinatawag na Space Age.
Ayon sa ulat, kabilang sa grupo si Custer Deocaris, isang astrobiologist ng Department of Science and Technology na bumalangkas ng panukalang-batas na ihahain nila sa Kongreso para sa pagpapatayo ng sarili nating space agency. Hindi nga lang nabanggit sa ulat kung saan posibleng kunin ang badyet para sa pagpapatayo at operasyon ng ganitong ahensiya.
Nakakalungkot lang na bubuo pa lang tayo ngayon ng ganitong ahensiya samantalang ang ibang bansa ay malayo na ang nararating sa space exploration at nakahubog na ng sarili nilang mga astronaut. Sa Amerika nga halimbawa, hindi lang ang gobyerno nila ang sumasangkot sa ganitong programa. Lumalahok na rin ang kanilang pribadong sektor. Ito iyong malalaking pribadong kumpanya at negosyante na nagpapagawa ng mga spacecraft at nag-aanyaya na ng mga “turistang” nais mamasyal sa kalawakan o kahit sa orbit ng Daigdig. Ilang pribadong tao o bilyunaryo na ang pinalipad patungo sa International Space Station.
Bukod diyan, marami na ring bansa ang bumabalangkas o naghahanda ng plano para makapagpadala ng sarili nilang tao sa buwan o sa planetang Mars. Maaaring dahilan nito na, habang tumatagal, nadadagdagan ang mga impormasyon hinggil sa potensiyal na maaaring mabuhay ang tao sa pulang planeta.
Pero, mukhang ang Pilipinas ay nagiging tagatingin na lang. Tagamasid lang sa mga nagaganap na solar eclipse, lunar eclipse, at meteor shower. Tagaabang lang sa mga bagong kaganapan sa space exploration ng ibang bansa. Hindi madama ng marami sa atin ang kahalagahan ng mga bagong kaganapan sa pananaliksik o exploration halimbawa sa Mars dahil nga wala tayong sariling space program na maaaring makapagbigay ng mas malinaw na larawan ng ganitong larangan.
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay maipaparating sa e-mail address na [email protected])
- Latest