EDITORYAL - Ipasa na sa iba ang glab

MAKARAANG ma-knockout ni Juan Manuel Marquez si people’s champ Manny Pacquiao noong Linggo sa ika-anim na round, marami ang nagsabi na dapat na itong magretiro. Tama na ang paglaban at i-pokus naman sa iba ang panahon. Mayroon na naman­ siyang naipakita at naipakilala na ang Pilipinas sa buong mundo. Unang naisip nang marami ay baka matulad si Pacquiao sa ibang boksingero na napinsala ang utak dahil sa pagkaalog ng mga suntok. Karaniwang nagiging sakit ng mga boksingero ay Alzhiemers disease at hindi na makapagsalita. Halimbawa ng boksingerong maysakit nito ay si Muhammad Ali.

Matapos bumagsak si Pacquiao, una ang mukha sa canvas ay hindi siya nakagalaw ng may dalawang minuto. Nang magkamalay at lapitan ng kanyang kaibigang si Buboy Fernandez ay nagtanong ito kung nasaan sila at kung tapos na ang laban. Pansamantalang nawala siya sa wisyo. Nang suriin naman siya ng mga doctor ay wala namang nakitang pinsala sa kanyang utak.

Unang naging reaksiyon ng ina ni Pacquiao na si Aling Dionisia ay pagretiruhin na ito sa pagboboksing. Hindi raw hayop ang kanyang anak na ilalaban nang ilalaban. Natatakot si Aling Dionisia sa maaaring mangyari sa kanyang anak kapag hindi pa ito tumigil sa pagboboksing. Pero sabi ni Pacquiao, lalaban pa siya. Babangon daw siya. Magpapahinga lang daw siya at lalaban muli. Hindi naman niya sinabi kung sino ang kalaban niya.

Para sa amin, naniniwala kaming dapat sundin ni Pacquiao ang payo ng kanyang ina at iba pa na magretiro na. Ipasa na niya sa iba ang kanyang glab. Ma­raming nagnanais na maging boksingero at ito ang dapat ayudahan ni Pacquiao. Buhusan niya ng tulong para makagawa ng bagong “Pacman” sa hinaharap.

 

Show comments