JALLIKATU (INDIAN BULLFIGHTING) --- Kung sa Spain ay kinagigiliwan ang bullfighting, may sariling version din nito sa India na tinatawag na Jallikatu. Ang pagkakaiba lamang, walang ginagamit na lubid, panaksak o kaya’y pulang tela sa pagdaraos ng Jallikatu. At hindi katulad sa Spain na pinapatay ang toro, sa India ay nananatiling buhay sapagkat sagrado ito para sa mga Hindu. Ganunman, itinuturing na pinaka-delikadong sports sa India ang Jallikatu. Ginagawa ang ritual na Jallikatu tuwing Pongal o panahon ng pag-aani. Pagpapasalamat ito sa magandang ani.
Sa loob ng dalawang dekada, daang tao na ang namamatay sa pagdaraos ng Jallikatu sa Southern India. Kadalasang sinusuwag ng toro ang mga tao habang ginagalit ito. Kung anu-anong uri ng pagpapagalit ang ginagawa para magwala o maghuramentado ang toro.
Bago pakawalan sa arena ang toro, puwersahan itong paiinumin nang maraming alak. Wiwisikan ng chili powder ang mga mata at pipisilin nang todo ang mga bayag.
Magwawala ang toro dahil sa masamang ginawa sa kanya. Suwag dito, suwag doon ang ginagawa ng toro. Karamihan sa mga nasusuwag at natatapakan ay mga kabataan na nakikisali sa ritual.
Pinag-aaralan ng Supreme Court of India ang pagbabawal sa Jallikatu sapagkat masyadong naaabuso ang mga toro. Walang katulad na “kahayupan” ang ginagawa ng tao sa toro.
(Hinango sa listverse.com)