‘Nakaalpas sa sipit’

“Kapag pumalag kang pilit, lalong hihigpit ang pangsipit..” ito ang unang natutunan ni Jose P. Gabrillo Jr.—62 na taong gulang ng Porac, Pampanga, simula nang maging ‘specialty’ niya ang  pagluluto ng alimango.

Labing tatlong taon siyang naging ‘chief cook’ sa Seafood Island Restaurant  ng The Red Crab Group of Restaurant,  sa may Market Market, Taguig City.

Nagsimula siyang magtrabaho dito sa edad na 49 at masasabing bihasa na siya sa pagluluto. Ano mang klaseng lutuin lalo’t lamang-dagat ay kayang-kaya niyang pasarapin.

Kung hindi lang sa isang pangyayaring umipit sa kanya ay mananatili pa sana siya sa serbisyo ngunit dahil sa isang insidente, wala siyang ibang magagawa kung hindi ang magretiro.

Abril 2012 noon nang Alas-3 ng hapon, binuhat ni Jose ang isang ‘boodle tray’ para sa pagpapakain sa isang handaan.

Paghakbang niya mula sa hagdanan sa likod ng restaurant, naramdaman na lamang niyang biglang lumagatok ang kanyang bukong-bukong at namaga ang  kanyang laman.

Ilang araw matapos ito’y nilagnat si Jun at nakaramdam ng panlalamig tuwing hapon.

Nung patingnan niya sa doktor napag-alaman niyang namaga ang  laman at naimpeksyon kaya’t naipon ang  nana sa loob.

Kinailangang biyakin ang kanyang paa para tanggalin at kayasin ang lahat ng nabulok na laman.

Agosto 13 nung siya’y operahan at natigil sa pagtatrabaho para makapagpagaling.

Pinayuhan siya ng doktor na hindi na siya maaring gumawa ng mabibigat, lalo’t higit hindi na niya maaring gawin ang matagalang pagtayo.

Mistulang napaso ang kalooban ni Jose sa sinabing ito ng doktor, nabubuo na sa kanyang isip na mahihirapan na ang  kanyang katawan na makabalik sa trabaho.

Mahirap para kay Jose na tanggapin ang dinulot ng pangyayaring ito, ngunit dito na niya napagdesisyuhnan na kailangan na niya talagang magretiro.

“Mabigat din sa kalooban ko na tumigil sa trabaho, dekada rin na nasanay kang batak ang katawan mo sa hanap-buhay at ngayon, bigla-bigla mangyayari ang  ganito,” panghihinayang ni Jun.  Higit 36,000Php ang nagastos niya sa ospital at lahat ng iyon ay sinagot muna nila dahil ayon sa HR Asst. Manager ng Red Crab na si Ms. Sarah Estacio, kaila­ngan munang maipasa ni Jose ang  ‘reimbursement form’ sa SSS.

Habang nagpapagaling, ipinaasikaso niya sa kanyang anak na si Marjorie ang paglakad sa kanyang mga papeles sa pagreretiro, ‘separation pay’ at ang benepisyo sa SSS para sa binayad sa ospital.

Hindi naging madali para kay Marjorie ang pag-asikaso ng mga ito. Ayon kay Ms. Estacio, hindi nakasaad sa kanilng ‘company policy’ ang tungkol sa ‘retirement benefits’, kaya’t ito ang inihingi nila ng tulong sa aming tanggapan.

Nilathala namin nung nakaraan ang tungkol sa reklamong ito ni Jose at tinutukan namin ang pakikipag-ugnayan sa Human Resource Dept. ng Red Crab habang kanilang ipinoproseso ang tungkol dito.

Makalipas ang isang buwan, masayang ibinalita sa amin ni Marjorie na ibibigay na ng Red Crab ang lahat ng benepisyo na dapat na matanggap ni Jose.

Tumataginting na 148,288.46Php ang kabuuan niyang tatanggapin mula sa Red Crab ngayong Disyembre. Abut-abot ang pasasalamat ni Jose dahil ma­laking bagay ito para sa kanyang pamilya at sa patuloy na pagpapagamot, gayundin para sa panggastos nila sa darating na Pasko.

“Maraming salamat po sa inyong programa, kung hindi po ninyo kami tinulungan sa pag­lalakad ng mga ito, baka wala akong nakuha sa kumpanya,” pasasalamat ni Jose.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kwentong ito ni Jose.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, malaki ang  pasasalamat namin sa pagtugon ng Red Crab ukol sa karapatan na ito ni Jose para sa mga benepisyo. Sa mahabang panahon niya sa kumpanya bilang ‘chief cook’, malaki din ang naging kontribusyon niya sa naging takbo nito dahil isa siya sa mga ‘pioneer’ na empleyado ng Red Crab nung magsimula ito nung taong 1999.

Mabuting marinig na sinimulan ng Red Crab na suriin at aralin ang  kanilang mga polisiya alinsunod sa tinatakda ng Labor Code kaugnay sa ‘retirement benefits’. Isang pagpapakita ito na hindi nabalewala si Jose bilang dating empleyado, at ang pagturing sa kanya bilang “kasama” at hindi basta lamang isang manggagawang pinakinabangan ang  lakas at kakayanan.

Malaki ang naging pagmamahal ni Jose para sa piniling lara­ngan at ngayong dumating na ang panahon para siya’y magretiro, nararapat lamang na makuha niya ang kanyang benipisyo upang makapagsimulang muli sa panibagong yugto ng kanyang buhay.  (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA) Sa gustong dumulog ang  aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang  landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 

Show comments