Huwag tantanan ng DENR ang pagmimina

SARI-SARI ang umano’y paninira kay DENR secretary Ramon Paje. Ang itinuturong may pakana diumano ay ang mga nasa industriya ng pagmimina na apektado ng paghihigpit ng gobyerno.

May katotohanan man o wala ang paninira kay Paje, dapat manindigan siya na protektahan ang kalikasan lalo na ang sinasabing pag-abuso ng mga malalaking minahan at maging mga maliliit at iligal na minahan.

Isang halimbawa rito ay ang desisyon ng DENR na patawan ng mahigit isang P1-bilyon ang Philex Mining Corporation dahil sa sinasabing pagtagas sa kanilang copper mining operation sa Benguet.

Huwag magpasindak ang DENR sa Philex  bagamat isang higanteng kompanya ito na pag-aari ng mga kilalang negosyante. Kapag napatawan ng multa ang Philex, magsisilbi itong babala sa lahat ng mga mining companies sa bansa na maging maingat sa kanilang operasyon dahil kailangang protektahan ang kalikasan, kapaligiran at mamamayan.

Sinasaluduhan ko si Paje dahil matigas ang paninindigan ng DENR sa ipinataw na P1 bilyon multa sa Philex.

Hindi komo malaking korporasyon at maimpluwensiya ay dapat nang palusutin kung talagang lumabag ito sa panuntunan na may katumbas na parusang multa.

Napapansin n’yo ba na halos lahat ng mga lugar na may minin-g operation ay nananatiling mahihirap ang mamamayan doon? Ang tanging yumayaman ay ang ilang opisyal ng gob-yerno na umano’y nakikinabang sa operasyon. Masarap pakinggan ang mga pangako ng mining companies na kapag nagtayo sila ng kompanya sa isang lalawigan ay uunlad ito sa pamamagitan ng pagtulong nila.

Rebyuhin din ng DENR ang operasyon ng mining companies at huwag nang hintayin na magkaroon ng mga insidente. Maging- maagap ang gobyerno upang nakatitiyak na hindi malalagay sa panganib ang  mamamayan. Kapag nakitaan nang paglabag ang malalaking mining companies, agad patawan nang ma-laking multa.

Hindi kaya ng gobyerno na ipagbawal ang pagmimina sa bansa  pero tiyakin na hindi naaabuso ang ating kalikasan para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino.

 

Show comments