Ang mga Pilipino raw ang pinaka-emosyonal (60 percent) sa buong mundo batay sa survey sa 140 bansa. Pangalawa ang El Salvador (57 percent) pangtatlo ang Bahrain (56 percent).
Totoong emosyunal ang mga Pilipino at maawain din. Kahit ang pinaka-masamang tao (pumatay, nanggahasa, nandambong sa pondo ng bayan) ay nakakakuha ng simpatya o awa. Kultura na ng mga Pilipino na kapag ang isang tao ay nakadapa na, hindi na kailangan pang tadyakan sa halip ay kaawaan.
At lalo na kung ang isang tao ay namatay na ay nababalewala na agad at hindi na nakakatanggap pa ng anumang batikos.
Noon ay maraming galit kay dating President Marcos pero mabilis na nagbago ang damdamin ng publiko nang mamatay ito. Nawala na ang galit sa mga Marcos at ibinoto pang senador si Bongbong.
Nagalit din ang mga tao kay dating President Joseph Estrada dahil sa usapin ng jueteng at naging dahilan upang bumagsak ito sa kapangyarihan. Pero naawa rin ang mamamayan kaya napanatili ang kanyang popularidad.
Ngayong si dating President Gloria Arroyo ay naka-hospital arrest, hindi na gaanong matindi ang galit ng publiko sa kanya.
Bukod sa maawain ay makakalimutin din ang mga Pinoy. Sa halip na hindi na makaupo ang pulitiko ay ibinoboto pa rin kahit maraming alingasngas sa panunungkulan.
Sana, magising na ang mga Pinoy sa katotohanan. Maging matalino sa pagpili ng mga ibobotong kandidato. Kung hindi magbabago ay huwag na ring magreklamo sa bagsak na kabuhayan. Ginusto n’yong manatili sa kapangyarihan ang mga nagsasamantala sa kaban ng bayan.