Ibasura ang VFA!

NAPAPANAHON na para ibasura ang Visiting Forces Agreement (VFA) dahil wala namang napapala rito ang ating bansa. Sa katunayan, puro basura ang ibinibigay sa atin tulad ng nangyarig toxic waste sa Subic Bay.

Sa mga sinasabing bagong teknik para sa ating sundalo na nakukuha sa idinaraos na Balikatan exercises, makukuha naman natin ito sa ibang paraan kahit walang VFA.

Mas malaki ang pakinabang ng mga Amerikano sa VFA dahil napapanatili nito ang kanilang presensiya sa Pilipinas para sa kanilang interes.

Tama ang pahayag ni Senator Miriam Defensor-Santiago na i-terminate na ang VFA. Pinabibilang niya ang mga naging pakinabang ng Pilipinas sa kasunduang ito. Malinaw din na hindi basta-basta tayo poprotektahan ng US sakaling lusubin tayo ng mga kaaway.

Halimbawa ay bigla tayong inaway ng China dahil sa pinag-aagawang isla sa West Philippine Sea. Hindi tayo automatiko na ipagtatanggol ng mga Kano. Kinakailangan pang humingi ng pahintulot sa US Congress bago makakilos ang US sakaling may sumalakay sa Pilipinas.

I-terminate na ang VFA dahil dehado ang Pilipinas. Kung mabalewala ang kasunduang ito, puwede naman na muling mag-usap at kung ipagpipilitan ng US ay saka tayo maglatag ng mas pabor na probisyon sa atin. Mabubuhay naman ang mga Pinoy kahit walang VFA.

Ipakita natin na kahit walang VFA, kaya ng ating sundalo na maipagtanggol amg Pilipinas. Magagaling ang mga Pinoy na sundalo. Ang kulang lang natin ay mga makabagong kagamitan. Sa ngayon, puro pinaglumaan ng mga Kano ang binigay na gamit pandigma na hindi naman libre. Binabayaran din naman natin ang mga lumang barko.

Madali lang i-terminate ang VFA kapag napagdesisyunan natin o ni P-Noy. Magpapadala lang ng notice sa US government at tapos na ang kasunduan.

Show comments